Panalong sorbetes: Pinoy brand na Luneta Ice Cream, nagwagi ng dalawang gold awards sa Netherlands

  • Wagi sa isang food award ang Pinoy brand na Luneta Ice Cream sa Netherlands
  • Sikat ang ice cream brand na ito sa Netherlands at iba pang bahagi ng Europe
  • Pinoy na Pinoy din ang mga flavors na inihahain nila sa kanilang mga Pinoy at ibang lahi na customers

Sa isang bansang tropikal katulad ng Pilipinas, hindi na nakapagtataka kung bakit maraming pagkain at inuming pamatid ng uhaw at init. Nariyan ang klasikong sago’t gulaman, haluhalo, ice candy, at maging ang paboritong panghimagas na fruit at buko salad.

Siyempre, kung pag-uusapan ang pampalamig at panghimagas, isa ang ice cream o sorbetes sa paborito ng mga Pilipino. At ang malamig na dessert na ito na may sariling timpla at lasang patok sa mga Pinoy ay kinikilala na rin sa ibang bansa tulad ng Netherlands.

Larawan mula sa Instagram account ng Luneta Ice Cream

Nagwagi kasi ng dalawang gold awards ang Pinoy brand na Luneta Ice Cream sa ginawang Hotels, Restaurant, and Café (HORECA) Prijzen sa Netherlands. Naiuwi nila ang 2020 Food Truck of the Year award na nakilala sa pamamagitan ng public voting. Habang ang isa pa namang parangal ay ang Gold Award for Excellence in Product and Service.

Ang mga Pinoy na naka-base sa Europe na sina Rhea Topacio at Dennic Rogacion ang nasa likod ng Luneta Ice Cream na ipinangalan sa sikat na pasyalan sa bansa kung saan makikita ang bantayog ni Jose Rizal. Lubos ang pasasalamat ng dalawa sa lahat ng tumatangkilik sa kanilang produkto at food truck na naghahain ng tropical feeling ice creams.

Ngunit bago nakamit ng dalawa ang kanilang tagumpay sa ice cream industry sa Netherlands, dumaan muna sila sa ilang pagsubok kabilang ang pagpapalago ng kanilang negosyo. Nag-umpisa lamang sila sa maliit na ice cream maker at hindi naging madali ang paglikha ng mga flavor na magugustuhan ng kanilang mga customers.

Taong 2015 nang ilunsad nila ang Luneta Ice Cream sa Netherlands at dahil sa kanilang sipag at tiyaga, agad namang tinangkilik ito ng mga Pinoy sa nasabing bansa. Ngunit ikinagulat nila, maging ang mga lokal ng Netherlands at ibang bansa sa Europe ay nasarapan na rin sa kanilang ice cream at patuloy na tinangkilik ito.

Larawan mula sa Instagram account ng Luneta Ice Cream

Patok na patok daw sa kanilang customers ang kanilang mga Pinoy na Pinoy na flavors tulad ng ube o purple yam, coffee na gawa sa kapeng Barako mula Batangas, Philippine mango, banana, melon, pineapple, at buko.

Sa kasalukuyan, mayroon nang 30 retailers at may mga restaurant na ring naghahain ng Luneta Ice Cream. Matitikman na rin ito sa iba’t ibang bansa sa Europe tulad ng Belgium, Norway, Belgium, Denmark, Lithuania, Sweden, at Faroe Islands.

Loading…