Panawagan: Traslacion ng Itim na Nazereno huwag gawing “trash-lacion”

  • EcoWaste Coalition nanawagan sa mga deboto ng Itim na Nazareno na iwasang magkalat ng basura sa paggunita ng Traslacion ng Itim na Nazareno
  • Nagsagawa ng isang awareness drive sa harap ng Quiapo Church ang grupo
  • Suportado ni Monsignor Hernando Coronel, ang Rector ng Quiapo Church, ang ginawang panawagan ng grupo para sa isang “plastic-free” at “trash-less” Traslacion

Nanawagan ang isang environmental group at ang pamunuan ng Quiapo Church sa mga deboto na iwasang magkalat sa paggunita ng Traslacion ng Itim na Nazareno sa darating na ika-9 ng Enero.

Imahe mula sa EcoWaste Coalition

Nagsagawa ang EcoWaste Coalition ng isang awareness drive sa harap ng Quiapo Church sa Plaza Miranda kung paano mapananatiling malinis ang paligid, lalo na sa gaganaping traslacion ng Itim na Nazareno, kung saan milyong mga deboto ang nakikibahagi taon-taon.

Suportado ni Monsignor Hernando Coronel, ang Rector ng Quiapo Church, ang ginawang panawagan ng grupo para sa isang “plastic-free” at “trash-less” Traslacion.

“Ang layunin po ng aming activity ngayon ay para manawagan sa ating mga kababayan lalo na sa mga milyon-milyong deboto ng Mahal na Poong Nazareno na sana iwasan na ang pagkakalat,” pahayag ni Jove Benosa, ang “Zero Waste” campaigner mula sa EcoWaste Coalition.

Ibinahagi pa ni Benosa na ang buwan ng Enero ay ipinagdiriwang bilang “Zero Waste Month” sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 760.

Sabi pa ni Benosa, kada taon na lang ay nadudungisan ng mga gabundok na basura ang Quirino Grandstand Parade Ground kung saan ginagawa ang “Pahalik.” Ang mas malala  pa ay ang mga basurang nagkalat na makikita sa kahabaan ng anim na kilometrong ruta ng traslacion.

Imahe mula sa EcoWaste Coalition

Nanawagan din si Fr. Douglas Badong sa lahat, lalo na sa mga vendors, na ugaliin ang kalinisan.

“Ako po kahapon ay biktima ng basura kasi pagbaba ko ng sasakyan, natusok po ako sa paa ng barbecue stick. Nakasapatos na ako kahapon, natusok pa. Sana po ‘yung vendors, ‘yung magtitinda, sana po linisin nila ‘yung kanilang sariling kalat din,” aniya.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, noong nakaraang taon ay umabot sa 47 na garbage truck o katumbas ng 160 tonelada ang dami ng mga basurang nahakot sa Rizal Park at sa ruta ng prusisyon ng traslacion.

Imahe mula sa EcoWaste Coalition

Loading…