Panindang suman ng isang lola pinakyaw ni Yorme para huwag nang magtinda sa araw ng Traslacion

  • Ilang oras bago magsimula ang Traslacion ay nag-inspeksyon si Mayor Isko Moreno sa Plaza Miranda
  • Pinaalalahanan niya ang mga vendors na bawal magtinda sa Quiapo mula ika-8 hanggang ika-9 ng Enero
  • Pinakyaw ni Mayor Isko ang panindang suman at kakanin ng isang matandang vendor para makauwi na ito

Ilang oras bago magsimula ang taunang paggunita sa Traslacion ng poong Itim na Nazareno ay nag-inspeksiyon si Manila Mayor Isko Moreno sa Plaza Miranda sa harap ng Quiapo Church upang pagsabihan ang mga vendors na bawal magtinda roon sa araw na ito.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Nauna nang idineklara ni Yorme ang buong Quiapo bilang “zero vendor area” mula ika-8 hanggang ika-9 ng Enero upang mas maging maayos ang daloy ng prusisyon. Inaasahang aabot sa anim na milyong deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang dadagsa sa Pista ng Itim na Nazareno.

Sa kabila ng pakiusap ng alkalde, marami pa ring mga vendors ang naglatag ng kanilang mga paninda sa pag-asang kumita nang malaki dahil sa dami ng mga debotong makikilahok sa Traslacion.

May mga vendors pa na nagrereklamo na hinuhuli umano sila ng mga tauhan ng city hall, ngunit ipinaalala sa kanila ng alkalde na nag-anunsyo na ang pamahalaang panglungsod na dalawang araw hindi maaaring magtinda sa Quiapo.

“Humingi na kami sa inyo ng pasensya na pagbigyan n’yo naman ang mga taumbayan na magamit ang buong kalye. Ano ba naman ‘yung dalawang araw? Wala naman akong ibang hiningi, In fact, after this balik na kayo,” paliwanag ni Yorme sa isang vendor na nagrereklamo.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Isa sa mga vendors na naglatag ng paninda ay isang matandang babae na nagtitinda ng mga suman at kakanin. Sinabi nito na malulugi siya kung hindi makapagtitinda. Upang makauwi na ang matanda ay pinakyaw ni Mayor Isko ang mga paninda niya na umabot sa halagang limang libong piso.

“Sa limang libo kumita ka na? Hindi ka na lugi? P’wede nang magpahinga? O, manos na tayo,” sabi ni Mayor kasabay ng pagbigay ng pera sa matanda.

Ipinamahagi naman ni Mayor Isko ang mga suman at kakanin sa mga tauhan ng city hall.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno Domagoso
Source :

Facebook

Loading…