Philippine Superliga, magkakaroon ng charity volleyball match para sa Taal evacuees; isang team mula Japan kasali

  • May charity event ang Philippine Superliga (PSL) para sa Taal evacuess
  • Donasyon lamang ang kailangang dalhin sa venue upang makapanood ng laro
  • Maliban sa tatlong PSL teams, may isang all-star team din mula sa Japan

Hindi maikakaila na isa na ang volleyball sa pinakasikat na sports sa Pilipinas. Ang nakaraang dekada ay ang pagkinang ng palarong ito kasama ng pagkakaroon din ng magandang oportunidad para sa mga volleyball players ng bansa.

Isa sa mga sumikat na liga ay ang Philippine Superliga (PSL) kung saan nagtutunggali ang malalaking koponan at malalaking pangalan sa larangan ng women’s volleyball. At ang mga volleyball superstars ng PSL ay magkakaroon ng isang maikling serye ng volleyball match upang makapagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng Bulkang Taal.

Larawan mula sa Facebook page ng PSL

Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Imus, Cavite, inilunsad ng PSL ang kanilang 2020 Pre-season opening match para sa PSL Grand Prix. Tinawag ang tatlong araw ng volleyball matches na Mayor Maliksi Super Cup: Spike For A Cause na gagawin sa Imus Sports Complex.

Tatlong teams mula sa PSL ang lalahok sa nasabing volleyball charity matches kabilang ang Cignal HD Spikers, Generika Ayala-Lifesavers, at Sta. Lucia Lady Realtors. Kabilang sa mga koponang ito ang mga malalaking pangalan sa volleyball tulad nina Rachelle Ann Daquis, Mika Reyes, Kath Arado, Amy Ahomiro, Jovelyn Gonzaga, Rhea Dimaculangan, at Alohi Robins-Hardy.

Makakasama rin nila sa nasabing charity event ang isang koponan na kinabibilangan ng mahuhusay na volleyball players mula sa Japan na West Japan Volleyball University All-Star Team na lalong magpapa-excite sa mga manonood dahil kilala ang Japan sa dekalidad nilang husay sa volleyball.

Libre lamang ang entrance sa nasabing PSL special event. Kinakailangan lamang magdala ng donasyon ng mga manonood para makapasok sa venue tulad ng toiletries, canned goods, diapers, at iba pang kakailanganin ng nasa 1,500 pamilya sa Imus evacuation centers.

Larawan mula sa Facebook page ng PSL

Marami namang volleyball fans ang nagalak sa proyektong ito ng isa sa mga malalaking volleyball leagues sa bansa. Ayon sa kanila, isang magandang treat para sa kanilang mga fans ang mga ganitong matches lalo na’t kasama ang bansang Japan habang nakatutulong din sa mga nangangailangan.

Gagawin ang Mayor Maliksi Super Cup: Spike For A Cause sa Imus Sports Complex sa Pebrero 3, 5, at 6 na mayroong dalawang matches kada araw. Mayroon ding awarding ceremony na gagawin sa huling araw ng special volleyball league na ito.

Source :

PSL, Facebook

Loading…