PHIVOLCS nabahala sa ginawa ng vlogger na nangahas lumapit sa bunganga ng Taal

  • PHIVOLCS naalarma sa mapangahas na paglapit ng vlogger sa bunganga ng Taal Volcano
  • Nangangamba ang ahensya na gayahin ng iba ang ginawa ng lalaki
  • Tiniyak naman ng mga awtoridad na mas hihigpitan nila ang pagbabantay sa lugar upang hindi na maulit ang insidente

Muling nagpaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko hinggil sa panganib na dala ng Taal Volcano kasunod ng kumalat na video ng isang residente ng Batangas na nangahas na lumapit sa bunganga ng bulkan.

Imahe mula sa One Cavite

Naalarma ang PHIVOLCS dahil posible umanong gayahin ng iba ang ginawa ng lalaki na nakitang nakasuot lang ng tsinelas sa kabila ng mainit na lupa ng Bulkang Taal.

“Of course nag-aalala po kami na baka mahikayat ang maraming tao na pumunta ng Taal Volcano Island. Napakamapanganib po nito,” ayon kay Mariton Bornas, ang hepe ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS.

“Nandiyan ang posibilidad na biglang pagsaboy ng carbon dioxide. Ito ay isang volcanic gas na walang amoy, walang kulay, ngunit mabigat po ito at humahalili sa hangin. Maaari po tayong ma-asphyxiate,” dagdag pa ni Bornas.

Napakadelikado umano ang ginawang kapangahasan ng nasabing residente dahil hindi pa rin nawawala ang posibilidad na muling magkaroon ng pagsabog – na napatunayan nang muling nagbuga ang bulkan ng makapal na usok noong nakaraang araw.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

“Delikadong-delikado sa mga kababayan natin na nangangahas pumunta sa isla na kahit hindi po malakas na malakas ang pagsabog. Kahit lang steam-generated explosion or phreatic eruption ay delikado na po sa buhay nila,” sabi naman ni PHIVOLCS director Renato Solidum.

Sa kasalukuyan ay nananatili pa ring nakataas ang Alert Level 4 para sa Taal na ang ibig sabihin ay posible itong mag-erupt anumang oras o araw.

Tiniyak naman ng mga awtoridad na mas hihigpitan nila ang pagbabantay upang hindi na maulit ang insidente.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Loading…