Pinay volleyball player na si Jaja Santiago, top spiker sa Japanese V. Premier League; 5th place naman sa blocking

  • Gumagawa ng pangalan ang Pinay spiker na si Jaja Santiago sa isang liga sa Japan
  • Sa lahat kasi ng reinforcements ng liga, si Jaja ang nangunguna sa spiking department
  • Kinikilala rin sa liga ang galing ng dating NU player sa larangan ng blocking kung saan panglima siya

Sinasabing ang nakaraang dekada ay ang taon ng volleyball sa Pilipinas. Mula sa pagiging pangkarinawang sport, isa na ito sa pinakasikat ngayon mula sa collegiate at professional leagues. Maituturing na nga itong kapantay ng pagkilala ng mga Pilipino sa larong basketball.

Sa pagsikat ng volleyball, maraming Pilipino na rin ang nabigyan ng pagkakataon na maglaro sa international leagues at ang iba ay kinukuha pang import ng mga liga mula sa ibang bansa. Isa sa mga gumagawa ng pangalan ay ang dating National University (NU) volleybelle na si Alyja Daphne ‘Jaja’ Santiago.

Larawan mula sa Instagram post ni Jaja Santiago

Sa kasalukuyan ay import si Jaja sa koponang Saitama Ageo Medics ng Japan V. Premier League Star Conference at ipinamamalas ang husay ng isang Pinay volleyball player. Nangunguna sa success rate sa kanyang spiking si Jaja; tinalo ang ilang national players mula sa Japan at iba’t ibang reinforcements mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Top spiker si Jaja na mayroong 49.10 percent success rate sa on-going Japanese V. Premier League. Nakagawa na ang 23-year-old NU alumna ng 137 points mula sa kanyang 279 spikes sa buong liga na kasalukuyang sinasalihan ng anim na koponan.

Nalagpasan ni Jaja ang performance ng mga kilalang player sa buong mundo kabilang ang Japanese national team player na si Kana Ono na nasa ikalawang puwesto na mayroong 48.8 percent success rate. Nasa ikatlo naman ang American superstar na si Andrea Drews na mayroong 48.6 spiking percentage. Ikaapat naman sa best spiker ang player ng PFU Blue Cats na si Jennifer Doris na mayroong  48.5 percent success rate.

Larawan mula sa Instagram post ni Jaja Santiago

Hindi lang spiking ni Jaja ang hinahangaan sa Japan. Ang 6’5 player ay nagtala rin 31 blocks sa buong liga sa kasalukayan na naglagay sa kanya sa ikalimang puwesto bilang best blocker. Mayroon na ring 177 points si Jaja na 9th best scorer sa buong Japanese V. Premier League.

Sa Pilipinas pa lamang ay gumawa na ng pangalan si Jaja nang tanghaling rookie of the year noong season 76 ng UAAP, Shakey’s V League Season 12 Finals MVP, at UAAP season 80 MVP. Kabilang si Jaja ngayon sa Foton Tornad0es sa Philippine Superliga (PSL) kasama ang ate niyang si Dindin Santiago na import din sa Japan sa koponang Kurobe AquaFairies.

Loading…