PH pride: Pinay chemist wagi ng unang international metrology award para sa Pilipinas

  • Isang Pinoy ang nag-uwi ng karangalan para sa bansa sa pag-uumpisa ng taon
  • Wagi si Dr. Benilda S. Ebarvia ng 2019 Developing Economies Metrology Institute (DEN) award
  •  Unang beses daw ito na nakamit ng isang Pinoy at tinalo ang 16 na bansa

Sa pagpasok ng taon, isang Pinoy pride kaagad ang dapat makilala at hangaan ng mga Pilipino. Unang international award kasi ang nasungkit ng isang kababayan. At hindi lamang ito basta international award kundi isa itong karangalan na may kinalaman sa larangan ng agham.

Naiuwi ni Dr. Benilda S. Ebarvia, assistant scientist and head of the Metrology in Chemistry (MiC) Laboratory of the National Metrology Laboratory (NML-ITDI) ang 2019 Developing Economies Metrology Institute (DEN) award na unang beses na makakamit ng isang Pilipino.

Larawan mula sa YouTube

Ginawa ang awarding sa Le Montage sa Sydney, Australia sa pangunguna ng Asia Pacific Metrology Program (APMP) chairman Dr. Toshiyuki Takatsuji. Nilahukan ito ng iba’t ibang entries mula sa 16 bansa tulad ng Bangladesh, Pakistan, Indonesia, India, Thailand, Vietnam, Mongolia, China, Nepal, at North Korea.

Ibinibigay ang prestihiyosong parangal sa iisang tao lamang taon-taon. May karapatan din ang APMP na hindi mag-deklara ng winner mula sa mga entries kung walang papasa sa kanilang standards at criteria. Inumpisahan ang DEN award noong November 2010 upang kilalanin ang mga natatanging tagumpay ng mga siyentipiko at indibidwal mula sa 17 na bansang kasapi ng APMP sa pagpapanatili ng makabago at inobatibong larangan ng metrology sa kani-kanilang bansa.

Ayon sa pamunuan ng APMP, nakuha ni Dr. Ebarvia ang parangal dahil sa kanyang ginagawang unang Reference Materials (RMs) na mayroon tayo sa Pilipinas na may malaking pakinabang sa pagkompirma ng mga proseso at pagtaya ng kawastuhan ng ilang resultang mayroong kinalaman sa measurement.

Larawan mula sa DOST

Malaking aspekto rin ang kanyang kontribusyon sa pagbuo ng Metrology in Chemistry (MiC) at NML-ITDI  kabilang ang paghahanap ng pondo para sa operasyon ng samahan at patuloy na makapagpalaganap ng kahalagahan ng metrology sa mga stakeholders sa bansa.

Ang mga RMs na binubuo ni Dr. Ebarvia at ng MiC ay ginagamit din ng iba’t ibang laboratory sa pagsukat ng ilang mahalagang sangkap at nutrisyon sa pagkain kagaya ng micronutrients. Mahalaga ito upang masigurong makapapasa sa international standards ang kalidad ng pagkain at pasado ito sa food safety and control.

Loading…