Pintor na naglalako noon ng obra, nangangailangan pa ng tulong para sa asawang may karamdaman

Imahe mula sa video ng Front Row via YouTube
  • Nangangailangan pa ng tulong ang pintor na nagtrend noon dahil inilalako at idini-display sa sidewalk ang kaniyang mga obra
  • Ginagawa niya ito para sa kaniyang misis na nagda-dialysis
  • Patuloy siyang nagsisikap upang matugunan ang gastos para sa pagpapagamot ng kaniyang asawa

Sa kabila ng kaniyang pagsisikap ay nangangailangan pa ng tulong ang lalaki na nag-trend noon sa social media na naglalako at nagdidisplay ng kaniyang artworks sa sidewalk upang pagkakitaan upang  masuportahan ang kaniyang misis na sumasailalim sa hem0dialysis.

Imahe mula sa Facebook | Sal Molinos

Ayon sa doktor na nakausap ng Front Row, Agosto 2016 pa raw nagsimulang sumailalim sa hem0dialysis ang asawa ni Larry Casinao na si Angelita Salazar. Ang rekomendasyon daw dapat ay tatlong beses sa isang linggo, subalit dahil sa kakapusan sa pera ay dalawang beses na lamang siya nakakapag-dialysis.

Kaya naman doble pa sa pagkayod ngayon si Casinao. Kuwento niya, madalas ay napupuyat siya sa paggawa ng mga obra. “Napupuyat ako sa pagdo-drawing. Nag-uumpisa ako ng 9 ng gabi hanggang alas-3 ng madaling araw. Tapos gising pa sa umaga ng alas 7. Mag start na naman ako ng gawain ko, magdrawing na naman ako kasi pagagalitan ako ng customer ko, [sasabihin] hindi mo [nasunod] ang schedule mo,” sabi niya.

Ipinapayo na raw sa kanila ng mga doktor ang kidney transplant ngunit hindi nila kakayanin ang gastos dahil halos P500,000 ang gagastusin nila rito. “Naawa ako pag nakikita ko siya. Masakit yun e.”

June 2019 nang magsimulang pag-usapan ang husay at pagsisikap ni Casinao dahil sa post ng netizen na si Sal Molinos. Ikinuwento niya na sa sidewalk nagpipinta si Casinao at doon na rin idinidisplay ang kaniyang mga obra.

Imahe mula sa video ng Front Row via YouTube

Subalit dahil sa mga clearing operation, at upang makaiwas na rin sa aksidente dahil hindi maiiwasan na tumingin sa kaniyang mga obra ang mga motorista at mga pedestrian ay pinagbawalan na siyang magtinda sa sidewalk. Pero wala naman siyang pagtutol dito.

“Mas mabuti kasi mas malinis ang kapaligiran at city,” sabi niya.

Hindi naman nawalan ng espasyo si Casinao dahil binigyan siya ng pagkakataon ng Iloilo Business Park na idisplay sa loob ng mall ang kaniyang mga obra.

Matatandaang ang Kapuso actress na si Heart Evangelista ay humanga sa pintor kaya naman nagpatulong siya noon sa social media kung paano niya makakausap si Casinao.

Sa isang interview sa GMA, sinabi niyang masaya siyang makatulong sa kapwa artist. “I’m just very happy to get a few of his paintings and I really wanted to gift them to special people on Christmas,” aniya.

Sa mga nagnanais na bumili ng obra o kaya naman ay magpa-pinta kay Casinao, maaari siya tawagan sa 09282379201  o i-message sa kaniyang Facebook account.

Loading…