Plastic wastes sa Talavera, Nueva Ecija ginagawang school chairs

  • Mga basurang plastic sa Talavera, Nueva Ecija ginagawang upuan
  • Ang mga nagawang upuan ay ipamamahagi sa mga paaralan
  • Ang mga estudyante sa Talavera ay binibigyan ng allowance katumbas ng dami ng plastic wastes na kanilang makokolekta

Nilalabanan ng bayan ng Talavera sa Nueva Ecija ang epekto ng climate change sa pamamagitan ng paggamit ng mga basurang plastic upang gawing isang bagay na mapakikinabangan.

Imahe mula sa Municipality of Talavera

Bukod sa naiibsan na ang problema sa plastic wastes ay nakatutulong pa ang kanilang ginagawa na mabigyan ng dagdag na kabuhayan ang mga lokal na residente.

Kamakailan lang ay pinangunahan ni Talavera Mayor Nerivi Santos-Martinez ang pagpapasinaya sa ecological management park (Eco Park)  na may lawak na anim na ektarya sa Barangay Bagong Silang kung saan itinatampok ang isang trash-converting machine na gumagamit ng plastic waste recycling technology.

Sa pamamagitan ng makina ay inaasahang maiibsan ang problema sa basura ng Talavera.

Umaabot sa 32,000 tonelada kada linggo ang basura ng nasabing bayan at sampung porsiyento nito ay plastic.

Sinabi ni Mayor Martinez na kayang makagawa ng mula 15 hanggang 20 upuan kada araw mula sa recycled plastic wastes ang planta. Ang mga upuan ay ipamamahagi sa mga paaralan.

Kayang magproseso ng 500 kilos ng plastic wastes ang machine kada tatlo at kalahating oras, ayon sa alkalde.

Imahe mula sa Municipality of Talavera

“Kung maka seven hours or 10 hours a day, so 1,500 kilograms a day ang kayang i-melt,” aniya.

Ang mga estudyante ng Talavera National High School at ibang paaralan ay kalahok sa programa ng bayan sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga plastic wastes na dadalhin nila sa Eco Park. Pagkakalooban sila ng allowance na katumbas ng dami ng nakolektang plastic wastes.

Hinihimok din ni Mayor Martinez ang mga maybahay na lumahok sa programa upang magkaroon ng dagdag-kita.

Ayon pa sa alkalde, sa loob ng Eco Park ay magkakaroon ng forest park, material recovery facility at isang mini zoo.

Imahe mula sa Municipality of Talavera
Source :

PNA, YouTube

Loading…