Proud Misis! “Flex ko lang ang asawa ko na naglilinis ng mga dumadaang sasakyan…”

  • Isang concerned netizen ang nagmagandang–loob na umasisti at nagbigay ng tubig para sa mga sasakyang nabalutan ng ashfall sa Tanauan City, Batangas
  • Kaugnay ito ng pagsabog ng Bulkang Taal nitong Linggo
  • Proud itong ibinahagi ng asawa at umani naman ito ng positibong komento mula sa mga netizens

Patuloy na nag aalburuto ang Bulkang Taal sa Batangas matapos ang ilang dekadang pananahimik nito, na nagsimula nitong Linggo, Enero 12, 2020 na naging dahilan ng pagkakaroon ng ashfall, hindi lamang sa Batangas kundi maging sa iba pang panig ng bansa, partikular sa Luzon at Metro Manila.

Kaya naman, maraming mga concerned citizens ang gumawa ng paraan upang magmagandang–loob at matulungan ang mga kababayan mula sa pananalasa ng ashfall, lalo na sa mga motoristang halos hindi na makita ang daanan dahil sa kapal ng mga abong dumikit sa unahang salamin ng kanilang mga sasakyan o windshield.

Isa sa kanila ay si Roger Villa na tinulungan ang mga may-ari ng mga sasakyang naapektuhan ng ashfall sa Barangay Talaga, Tanauan City, sa Batangas.

Imahe mula sa Facebook account ni Marj Jorie

Batay sa Facebook post ng kaniyang asawang si “Marj Jorie”, makikitang nakatutuntong ang mister sa bubong ng isang puting van at sinasabuyan ng tubig ang mga dumaraang sasakyan sa kaniyang tapat, sa pamamagitan ng isang hose. Kailangan itong gawin upang mawala ang mga abo sa unahang salamin ng mga naturang sasakyan upang maiwasan ang mga sakuna.

Ayon sa kaniyang caption, “Flex ko lang ang asawa ko na naglilinis ng mga dumadaang sasakyan…”

Umani naman ito ng paghanga at positibong reaksyon mula sa mga netizens. Bulalas ng isa, “Salute you sir! Good samaritan po kayo. God bless you and your family!”

“Salute! Big help po iyan sa mga sasakyan, hindi mahihirapan mga drivers mag–drive safely kasi nalilinis yung mga windshield. Good job po sir,” papuri naman ng isa.

Sabi naman ng isa, “This is a proof na matulungin at may mabuting puso pa rin ang mga Pilipino para sa mga kapwang nangangailangan. Mabuhay po kayo!”

Imahe mula sa Facebook account ni Marj Jorie

Huling sumabog ang Bulkang Taal noong taong 1977 kaya marami ang nagulat at nasurpresa sa muling pagiging aktibo nito matapos ang maraming mga taon. Nagdulot ng ash falls o pag–ulan ng abo mula sa usok at alabok na pinakawalan ng bulkan. Ito ay mala–pulbos, mabuhangin at maliliit na butil sa hangin na naglalaman ng carbon dioxide at flourine na maaaring magkaroon ng masamang epekto sa kalusugan ng mga tao.

Ayon sa Department of Health o DOH, maaaring makaranas ang sinuman ng pangangati ng ilong, mata, at lalamunan, matinding pag–ubo at hirap sa paghinga lalo na sa mga may hika o mahinang baga, iritasyon sa balat, at pinasala na dulot ng nagibang bubong o aksidente dahil sa madulas na kalsada.

Ipinapayo naman sa publiko na umiwas sa mga epekto ng ash falls sa pamamagitan ng pag–iwas sa paglabas ng bahay, paggamit ng dust o face mask, pagsusuot ng salamin sa mata o googles, o paglanghap sa basang tuwalya o bimpo kapag hindi na makahinga. Ipinapayo ring ipasok muna sa loob ng bahay ang mga alagang hayop.

Para naman sa proteksyon sa mga sasakyan, makabubuting balutan o takpan ito ng plastic, shield, o tolda. Kung sakali namang nababalot na ito ng mga abo, hugasan ito sa pamamagitan ng maraming tubig, at kamayin na lamang. Kung nagmamaneho naman at zero visibility na sa kapal ng abo, makabubuting huminto muna at alisin ang mga namuong abo sa windshield.

Imahe mula sa DOH

Kudos sa iyo, Kuya Roger Villa! Mabuhay po kayo. Patuloy tayong magdarasal para sa kaligtasan ng lahat!

Loading…