‘Record-breaking’: Traslacion 2020 natapos sa loob ng 16 oras

Imahe mula sa Facebook | Manila Public Information Office
  • Naibalik ang Poong Itim na Nazareno sa Quiapo Church mula sa Quirino Grandstand matapos ang 16 oras
  • Nagsimula ang prusisyon ng 4 a.m. at natapos ng 8:49 ng gabi
  • Pinakamabilis ito sa mga nakalipas na taon dahil kadalasan ay madaling araw na naibabalik sa simbahan ng Quiapo ang Poong Nazareno

Matapos ang 16 na oras na prusisyon mula sa Quirino Grandstand patungo sa Quiapo Church, naibalik ang Poong Itim na Nazareno 8:49 ng gabi.

Imahe mula sa Facebook | Manila Public Information Office

Ito raw ang pinakamaaga sa mga nakalipas na taon dahil kadalasan ay madaling araw na nakararating sa simbahan ang Poong Nazareno. Noong nakaraang taon, inabot ng 21 oras ang prusisyon na nagsimula ng 5:03 a.m. at natapos ng 2:21 a.m.

“Traslacion 2020 ends after more than 16 hours. This is record-breaking in recent years,” sabi ni Manila Mayor Isko Moreno sa kaniyang opisyal na Facebook page. Nagpasalamat din siya sa mga deboto, pulis, vendors, at mga national government agencies na nakiisa sa pagdaraos ng Traslacion.

Nakatulong daw sa mabilis na Traslacion ang mga pulis na naging kaagapay ng mga Hijos sa paghila ng andas patungong Roxas Boulevard sa loob ng ilang minuto. Madalas daw na umaabot ito ng oras. Nasa Finance Road na raw ang andas 5:12 a.m.

Imahe mula sa Facebook | Manila Public Information Office

Samantala, may mga deboto naman na hindi natuwa sa pagharang ng mga container van sa ilang kalsada na dadaanan ng Poong Nazareno alas-10 ng Enero 8. Hindi raw kasi sila naabisuhan ukol sa bagong patakaran na ito kaya marami ang hindi na nakadalo sa misa sa Quirino Grandstand.

“Dapat una pa lang, naglagay sila ng sign board na ganitong oras, hindi na puwedeng pumasok dito. Respetuhan na lang, kaya lang panata na ‘to ng tao. Hindi nila puwedeng harangan,” sabi ni Madel Lagamayo sa GMA News.

Ayon sa ulat ng Manila Public Information Office, umabot sa 300,000 ang bilang ng mga deboto sa Plaza Miranda at Quiapo Church at 2.5 million naman ang nasa prusisyon. May naitala rin silang 487 na mga minor injury simula nang umandar ang prusisyon alas 4 ng umaga.

Taong 1606 nang dalhin ng mga paring Agustino ang imahe ng Poong Nazareno sa Pilipinas mula sa Acapulco sa Mexico. Ginanap ang unang Traslacion noong 1787 kung saan inihatid ang Poon mula Intramuros hanggang Quiapo Church.

Loading…