Restaurant sa Australia, gumawa ng 338-foot pizza upang makalikom ng pondo para sa mga bumbero

Imahe mula sa Instagram | Pellegrini's Italian
  • May kakaibang paraan ang isang Italian restaurant sa Australia upang makapagbigay ng donasyon sa mga bumbero na patuloy na pumupuksa sa bushfire doon
  • Gumawa sila ng pizza na may habang 338 feet o mas mahaba pa sa isang football field
  • Hinati ito sa 4,000 slices at ipinakain sa 3,000 katao na dumalo upang magpaabot ng kanilang mga donasyon

Patuloy pa rin ang bushfire sa Australia kaya naman nananatili sa panganib ang buhay ng maraming mga hayop, maging ng mga tao. Marami ang nagnanais na tumulong sa mga bumbero sa kaniya-kaniya nilang paraan dahil itinuturing silang mga bayani ng mga kababayan.

Imahe mula sa Instagram | issac_eatsalot

Dahil sa pagnanais na makapag-abot ng tulong sa mga bayaning bumbero sa sarili nilang paraan, gumawa ang isang Italian restaurant ng pizza na may habang 338 feet, mas mahaba pa sa isang football field.

Inihanda ng Pelligrini’s Italian restaurant ang mahabang pizza na ito na may 4,000 slices at ipinakain sa 3,000 katao na dumating upang magbigay ng kanilang donasyon.

Ayon sa Reuters, gumamit daw ng conveyor oven upang maluto ang Margherita pizza na ito na may tomato sauce, mozzarella, basil leaves, oregano, at olive oil. Inabot daw ng apat na oras ang pagluluto ng pizza na ito.

Ibinigay ng restaurant ang nalikom na pondo sa New South Wales Rural Fire Service.

Imahe mula sa Instagram | issac_eatsalot

Matapos ang ginawang pizza for a cause, nagsagawa ng paligsahan ang restaurant kung saan bibigyan nila ng $200 voucher ang sinumang makahuhula kung ilang kilong harina ang ginamit upang mabuo ang pizza na ito. Kung sino raw ang may pinakamalapit na sagot ang siyang tatanghaling panalo.

Samantala, aabot na sa 28 katao ang binawian ng buhay simula nang mag-umpisa ang fire season noong July, ayon sa CNN. Tinawag nila itong ‘worst in decades’. Samantala, mahigit 3,000 mga bahay na rin ang nasisira sa New South Wales pa lamang.

Loading…