Robin Padilla, ipinagtanggol si Pope Francis sa mga batikos dahil sa pagpalo nito sa kamay ng isang deboto

  • Ibinahagi ni Robin Padilla ang kanyang sentimyento sa ginawang pagpalo ni Pope Francis sa kamay ng isang babae
  • Ayon sa aktor, hindi dapat binabatikos ang Santo Papa sa nagawa dahil nangamba lamang ito sa kanyang kaligtasan
  • Marami naman ang humanga sa ginawang ito ni Robin kahit isa siyang Muslim

Nalagay sa kontrobersiya kamakailan si Pope Francis matapos niyang tampalin ang kamay ng isang babae sa ginawa niyang New Year’s Eve mass sa St. Peter’s Square sa Vatican. Bigla kasing hinila  ng babae ang kamay ng Santo Papa na papalayo na kaya muntik nang nawala sa balanse ang lider ng Simbahang Katolika. Dahil dito, pinalo ni Pope Francis ang kamay ng babae dahil sa pagkadismaya sa nangyari.

Sa kanyang New Year’s address, sinabi ng Pope na lahat daw tayo ay nawawalan ng pasensya kung minsan kaya humihingi siya ng paumanhin sa kanyang nagawa. Gayunman, kahit na nanghingi na ng kapatawaran ang Santo Papa ay nakatatanggap pa rin ito ng mga batikos sa social media.

Larawan mula sa Instagram account ni Robin Padilla

Ang pag-ulan ng mga pagpuna kay Pope Francis ang naging laman ng isang Instagram post ng aktor at Muslim na si Robin Padilla. Sabi niya, wala na raw talagang pinipiling i-bash ang mga netizens at maging ang isang tinitingalang lider ng Simbahang Katolika ay patuloy na pinupulaan sa social media.

Depensa ng Kapamilya actor, nauunawaan niya ang nagawa ng Santo Papa dahil bigla siyang hinatak ng babae at nasa isang alanganing posisyon. Dahil din daw sa edad ni Pope na 83 anyos ay mahina na ang balanse nito kaya naman nangamba rin para sa sariling kaligtasan kaya naman nagawa niya ito sa babae.

“Pati ba naman ang Holy Pope ng mga Katoliko bina-bash? Talaga bang wala na talagang respeto ang mga tao? Napanood ko ang video, kitang-kita sa video na hinatak ng babae ang Holy Pope habang nasa alanganin na posisyon at sa edad ng Holy Pope sigurado ako nasaktan siya natural lang na mag-react siya,” pahayag ni Robin sa kanyang post.

Dagdag pa ng action star, kahit daw isa siyang Muslim ay bukas ang kanyang pang-unawa sa nagawa ng Santo Papa at hindi nagiging hadlang ang kanyang relihiyon upang ipagtanggol si Pope Francis sa mga pumupula rito, lalo’t higit ang mga Katoliko.

Larawan mula sa Twitter account ni Pope Francis

“I’m a Muslim and I’m defending him. I hope the Catholics will do the same. May Allah have mercy on us,” pagpapatuloy ni Robin sa kanyang viral post na mayroon nang halos 13,000 likes habang isinusulat ang balitang ito.

Maraming netizens naman ang humanga sa ginawang ito ni Robin. Patunay daw siya na posible ang kapayapaan sa mundo at pagkakasundo ng mga relihiyon dahil sa pagtatanggol niya sa Santo Papa. At tulad ni Robin, maraming netizens din ang naunawaan ang nagawa ni Pope Francis.

Loading…