Salot: Nasa 200 bilyong locust ang namiminsala sa East Africa, food security ng rehiyon nanganganib

  • Bilyun-bilyong balang ang nananalasa sa East Africa
  • Aabot sa 200 bilyon ang mga balang na sumalakay sa Kenya
  • Posibleng tumaas ang bilang ng mga balang ng 500 ulit sa buwan ng Hunyo kung hindi makokontrol

Bilyun-bilyong balang o locusts na dumagsa sa East Africa dahil sa sukdulang pabago-bago ng panahon ang nagdudulot ngayon ng napakalaking pinsala sa rehiyong kasalukuyan pang nakikipagbuno sa tagtuyot at sa mga grabeng pagbaha.

Imahe mula sa ANSA

Matapos manalasa sa Ethiopia at Somalia, ang laksa-laksang balang ay nakarating na sa Kenya; isang bansa kung saan 10 milyong tao ang humaharap sa food insecurity.

Ilang lugar sa Ethiopia at Somalia – mga bansang hindi nakaranas ng ganito kalaking salot sa loob ng 25 taon – ang nakaranas ngayon na ang lahat ng kanilang mga pananim ay napinsala dahil sa salot na balang.

Nababahala ang Food and Agriculture Organizatio(FAO) na maaaring dumami pa ang mga balang ng 500 ulit sa darating na buwan ng Hunyo.  Kung mangyayari ito ay malalgay din sa peligro ang mga bansang Sudan at Uganda.

Ayon sa mga eksperto, ang pananalasa ng mga balang sa East Africa ay resulta ng “extreme weather swings” kung saan ang taong 2019 ay nagsimula sa tagtuyot at natapos sa pinakamatinding rainy season sa loob ng ilang dekada.

Ang isang balang ay kayang umubos ng pagkain na kasing bigat ng kanyang katawan sa loob ng isang araw. Ang isang toneladang balang na tinatayang nasa 500,000 ang bilang ay kayang kumain ng pagkaing kinakain ng 2,500 na tao sa isang araw.

Imahe mula sa Tribune

Sa pagtataya ng FAO, ang mga balang na nanggaling sa Ethiopia at Somalia na nasa Kenya na ngayon ay nasa 200 bilyon ang bilang. Ang lawak ng lugar na nababalot ng mga ito ay sinlaki ng Moscow.

Ang mga balang ay  sumisimbolo raw sa “galit” ng Diyos. Sa Hebrew ang tawag sa kanila ay “countless” at sa mga Arabo, tinatawag nila itong “darkeners of the sun.”

Kung sakaling hindi makontrol ang mga balang sa pagsisimula ng susunod na tag-ulan o planting season (buwan ng Marso), lahat ng pananim ng mga magsasaka ay malilipol.

Screenshot mula sa video ng AFP

Loading…