Sana all! Babaeng suwerte sa raffle, halos P500k na ang napapanalunan

Imahe mula sa video ng iJuander via YouTube
  • Tila sinalo ng isang babae ang lahat ng suwerte sa raffle dahil sa dalas niyang manalo rito
  • Hindi raw natatapos ang buwan na wala siyang napapanalunan at hindi raw talaga natatapos ang taon nang wala siyang naiuuwi mula sa raffle
  • Naniniwala raw siya sa mga pamahiing pampasuwerte at ito ang itinuturo niyang dahilan ng kaniyang kapalaran

Maraming Pilipino ang nawiwili sa pagsubok ng kanilang suwerte sa pamamagitan ng pagsali sa mga game of chance katulad na lamang ng mga raffle. Kung para sa marami ay mailap ang kapalaran, nang magpaulan ng suwerte rito, tila nasalo ng isang babae ang malaking bahagi nito pagkat madalas umano itong manalo sa mga sinasalihan niyang raffle.

Imahe mula sa video ng iJuander via YouTube

Sa katunayan, sa nakalipas na buwan lamang ay marami na agad napanalunan si Kristabelle Untalan. Ibinahagi niya sa iJuander na nakapag-uwi na siya ng pangarap niyang aircon, mamamahaling travel luggage, tatlong staycation gift certificates, at cellphone.

“Hindi ko talaga alam noong una kung bakit ako nananalo sa raffle kasi nagugulat na lang ako bigla akong nananalo. Siguro talagang suwerte kasi buwan buwan nananalo ako. Taun taon, hindi naman ako nazi-zero,” sabi ni Kristabelle.

Ayon sa kaniya, sinusunod niya ang mga paniniwala ng nakatatanda upang suwertehin.  Naglalagay raw siya ng 12 prutas sa hapag tuwing sasalubungin ang Bagong Taon. Pinupuno niya rin ang kanilang bigasan, at naghahagis ng mga barya.

Imahe mula sa video ng iJuander via YouTube

Bukod dito, dinadasalan niya raw ang raffle entry niya bago niya ito ihulog.

“Usually, ang ginagawa ko talaga, ‘pag maghuhulog ako ng mga pang raffle entry ko, dinadasalan ko ‘yan. Sinasabi ko sana manalo ako, mabunot ako. And siyempre bago ako sumali dapat good vibes lang. Positive lang, chill lang, relax lang, para more ‘yung pasok ng suwerte,” kuwento niya sa iJuander.

Pero ang pinakamahalagang suwerte raw para sa kaniya ay ang kaniyang dalawang anak.

“Talagang sila ang focus ko sa buhay at pinaghuhugutan ko. Para sa akin talaga, isa sila sa pinakasuwerte sa buhay ko. ‘Pag sa kanila ko nilalaan ‘yung sasalihan ko, talagang the best ‘yan. Binibigay ni Lord ‘yan, nananalo,” sabi ni Kristabelle.

Sana kami rin, Kristabelle!

Source :

YouTube

Loading…