Sana all: Ginang namigay ng libo-libong aginaldo sa kanyang mga apo, kapatid, in-laws, at mga pamangkin

  • Trending sa social media ang video ng isang ginang na namigay ng libo-libong pamasko sa kanyang mga kaanak
  • Nakatanggap ng pamasko ang mga pamangkin, kapatid, in-laws, at mga apo ng ginang sa video
  • Maraming netizens naman ang napa-‘sana all’ at sinabing sana ay maraming kasing galante ng ginang

Noong nakaraang Pasko, tiyak marami sa atin ang kahit papaano ay kumota sa mga nakuhang aginaldo, lalo na ang mga bata. Maraming ninong at ninang ang namigay ng mga regalo, partikular na ang pera. Ngunit kahit hindi na ganoon kabata, marami rin sa atin ang nagnanais makatanggap ng aginaldo mula sa ating mga kapamilya at kaibigan.

Kaya naman maraming netizens ang napa-‘sana all’ sa isang viral video sa Facebook. Makikita kasi rito ang isang ginang na naglabas ng libo-libong pera upang ipamahagi sa kanyang mga kaanak na namasko sa kanilang tahanan.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Nina Gregorio

Inupload ni Nina Gregorio ang video kung saan mapapanood na namimigay ng aginaldo ang kanyang inang si Jesusa sa kanilang mga kaanak noong Pasko. Pinalapit na lamang ng nakaupong si Jesusa ang kanyang mga kaanak at isa-isang inabutan ng biyaya.

Unang pinapila ng ginang ang kanyang mga apo na binigyan niya ng tig-500 bawat isa. Sunod namang pumila ang mga pamangking na nag-uwi naman ng 1,000 piso bawat isa. Itinago naman ni Jesusa ang kanyang tig-500 na hawak at naglabas ng mga isang libong papel para naman ipamigay sa kanyang mga kapatid at in-laws. Bawat isa ay nakatanggap ng 2,000 pesos mula sa ginang.

“Santa Claus is here. Thank you Mommy! Merry Christmas to everyone. It’s really the season of giving,” sabi ni Nina sa kanyang post na umani ng 1.7 million views, 32,000 reactions, at 29,000 shares dalawang linggo matapos i-upload.

Nasundan pa ang pamimigay ng aginaldo ng pamilya ng ginang dahil nagpaagaw naman ito ng pera sa labas ng kanilang tahanan na in-upload rin ni Nina sa kanyang Facebook account.

Larawan mula sa Facebook video ni Nina Gregorio

Maraming netizens ang natuwa sa pagiging mapagbigay ni Jesusa. Sana raw lahat ng nakaluluwag-luwag ay katulad niya na handang magbigay ng kung anong mayroon siya upang makapagdulot ng kasiyahan sa iba. May ilang social media users naman na gusto ring makipila sa pamimigay ng pera ng ginang.

“Wow, ang galante naman ni Madam. Sana all ganito mabait at mapagbigay. More blessings po,” sabi ng isang netizen.

Loading…