“Sana lumaki kayo na nakatapak ang mga paa sa lupa” – Sharon Cuneta sa kaniyang mga anak

  • Naging emosyonal si megastar Sharon Cuneta sa special segment ng ASAP Natin ‘To para sa kaniyang ika-54 kaarawan
  • Pinasalamatan niya ang lahat ng nagmamahal sa kaniya, lalo na ang kaniyang mga anak na present sa special performance niya
  • Pinayuhan din niya ang mga anak na tularan ang kabutihan nina Sarah Geronimo, Regine Velasquez, at Judy Ann Santos

Nagkaroon ng tribute ang ASAP Natin ‘To sa birthday girl na si Sharon Cuneta sa isang segment nito noong Enero 5, 2020.

Kahit sa Enero 6 pa ang birthday ni  Sharon ay halos kumpleto ang kaniyang pamilya at mga kaibigan sa industriya na nakipagdiwang sa kaniyang ika-54 kaarawan.

Imahe mula sa Facebook page ni Sharon Cuneta

Nagkaroon ng special song number sina Sharon at ang dalawa niyang anak na sina Frankie at Miel Pangilinan. Kinanta nila ang “Starlight.” Naroon din ang kaniyang asawa na si Senador Kiko Pangilinan na nagbigay sa kaniya ng mensahe. Kasama rin nito ang kanilang bunso na si Miguel.

Wala sa eksena ang panganay na anak ni Sharon na si KC Concepcion kaya may himig ng pagtatampo nang sabihin niyang “Kasi alam ko, apat ang anak ko e.”

Gayunman, malaki ang pasasalamat ni Sharon sa tatlong anak dahil naiparamdam ng mga ito kung gaano kaimportante sa kanila ang buhay ng kanilang ina.

“Salamat sa lahat ng anak-anakan ko. Thank you, Frankie, Miel and Miguel for giving importance to Mama, and loving me, and being respectful and kind, grateful children,” pahayag ni Sharon.

Hiniling ni Sharon na sana ay matularan ng kaniyang mga anak ang kabutihan ni Sarah Geronmina na aniya ay nabiyayaan ng magandang buhay dahil naging isang mabuti itong anak.

Binanggit din niya ang mga pangalang “Mama Reg” (Regine Velasquez) at Mama J/Mama Juday (Judy Ann Santos) na nais niyang tularan din ng kaniyang mga anak.

Siyempre, malaki ang naging pasasalamat ni Sharon sa Panginoon at sa mga Sharonians na walang sawang sumusuporta sa kaniya sa loob ng 42 taon.

Emosyonal din si Sharon nang sabihin niyang: “Ipinagdarasal ko rin lahat ng aking mga anak… na sana, lumaki kayo na nakatapak ang mga paa sa lupa. Huwag nakalilimot sa pagmamahal ng magulang at sa lahat ng nagawa ng mga magulang ninyo sa inyo.”

Imahe mula sa Facebook page ni Sharon Cuneta

Habang lumuluha, naroon ang kaniyang mister na tagapunas ng kaniyang luha.

“Thank you for all the years that you remained faithful. And true. And hindi mo man kamukha si Brad Pitt, ang dami naman niyang problema. Tayo, wala!” dagdag pa ni Sharon.

Source :

Pep, YouTube

Loading…