Sikat na pizza parlor inanunsiyong may unli-tubig na sa lahat ng branches nila; netizens iba-iba ang reaksiyon

  • Pinag-uusapan ngayon sa social media ang ads ng pizza brand
  • Ito ay dahil sa pagbibigay nila ng ‘unli cold water’ sa kanilang customers
  • Iba-iba ang hula ng mga netizens sa paandar na ito ng sikat na pizza parlor

Isa sa mga nausong gimik ng mga kainan sa bansa, malaki man o maliit, ay ang unlimited o ‘unli’ servings ng iba’t ibang bagay sa kanilang tindahan. Unang pumatok ang unli-rice sa mga kainan tulad ng mga ihaw-ihaw at karinderya. Sumunod na riyan ang unli-side dish ng sikat na samgyupsal, unli-drinks o mas kilala bilang bottomless, at maging unli-chicken wings.

Pero sa pagpasok ng bagong dekada, isang sikat na pizza parlor ang nagdesisyong magbigay ng unli-water o bottomless na malamig na tubig sa kanilang shop. Umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizens  at sa sandaling panahon pa lamang na naka-post ito sa social media ay nag-trending na ito agad.

Larawan mula sa Pizza Hut Facebook page

“Free bottomless cold water soon at Pizza Hut.” Ito ang sabi ng trending na larawan ng Facebook page ng Pizza Hut. Ayon sa post, ang pagbibigay daw nila ng unli cold water sa kanilang customers sa lahat ng kanilang branches ay pagbibigay daw ng pagmamahal sa mga ito.

“We’re pouring the love, guys—FREE bottomless cold water! That’s right, nothing’s too good for our customers. Simply dine in at any Pizza Hut branch starting January 14. Trust us, you’ll need it!” sabi ng post na umabot na sa 35,000 reactions, 10,000 ang comments, at 23,000 ang shares.

Iba-iba naman ang saloobin ng mga netizens sa pakulong ito ng Pizza Hut. Ayon sa iba, totoo naman ang sinabi ng advertisement na kailangan nila ng tubig dahil maganda ito para sa ating kalusagan, kaysa naman daw laging soft drinks ang iniinom tuwing kakain sa labas.

“Well, kung tutuusin ay tama naman ang ad guys. Kailangan talaga natin ng tubig. Dapat mas umiinom tayo ng tubig kaysa mga flavored beverages,” sabi ng isang netizens na nakita ang positibong layunin ng ad.

May ilan namang napataas ang kilay dahil kung tutuusin ay hindi naman daw ‘promo’ ang ganitong bagay. Matagal naman na raw libre ang paghingi ng tubig sa anumang branches ng pizza resto kaya naman nagpapapansin lamang daw ang mga ito.

Larawan mula sa Pexels

Ilang nagkomento naman sa post ang nagsabi na bahagi lamang ito ng marketing strategy nila para sa isang pagkaing maanghang na ilulunsad ng Pizza Hut. Dahil nga maanghang ito ay kakailanganin nila ng napakaraming tubig.

Anuman ang layunin ng post na ito ng Pizza Hut, isa lang ang sigurado: masaya ang marketing team nila ngayon dahil nagtagumpay silang makuha ang atensiyon ng mga netizens.

Loading…