Street vendors sa Divisoria nag-donate ng P500,000 para sa “Tondominium” project ni Yorme

  • Isang grupo ng street vendors sa Divisoria nag-donate ng kalahating milyong piso
  • Ang donasyon ay para sa Tondominium project ni Yorme
  • Isang online application na maaaring ma-download at magamit ng sinumang nais mag-donate ang inihahanda ng team ni Mayor Isko

Patuloy ang pagdami ng bilang ng mga ordinaryong mamamayan na nagbibigay ng tulong sa mga proyekto ni Mayor Isko Moreno magmula nang manawagan siya noong nakaraang taon na bukas ang Lungsod ng Maynila sa mga donasyon para sa mga gagawing proyekto.

Screenshot mula sa The Capital Report

Sa ngalan ng transparency at upang magsilbing inspirasyon na rin sa iba, nagbibigay si Mayor Isko ng regular na pag-uulat, sa pamamagitan ng lingguhang “The Capital Report,”  sa lahat ng mga donasyong natatanggap.

Sa pinakahuling Capital Report noong nakaraang linggo ay masayang ibinalita ng alkalde, kasabay ng kanyang pasasalamat, ang mga nagbigay ng donasyon para sa in-city public vertical housing project na kilala sa tawag na “Tondominium.”

“Magpapasalamat lang tayo sa mga walang sawang tumutulong na mga kababayan nating Pilipino, OFWs, immigrants sa buong mundo, mga kapwa natin Pilipino sa buong bansa at mga balikbayan dito sa Metro Manila,” ani Mayor Isko.

Isa sa mga natanggap na donasyon ang labis na ikinatuwa ng mayor dahil galing iyon sa mga vendors sa isang kalsada sa Divisoria na nagbigay ng kalahating milyong piso (P500,00) para sa Tondominium project.

Sa isang maikling sulat para sa alkalde ay makikita na iyon ay nilagdaan ng isang “Ka Benny & Roman vendors.”

Screenshot mula sa The Capital Report

Paliwanag ni Yorme, ang Roman Street ay nasa pagitan ng Soler Street at C.M. Recto Avenue. Aniya, patunay ang pagbibigay ng donasyon ng mga vendors na mas lumaki ang kinikita nila dahil maayos na sila ngayong nakapaghahanapbuhay mula noong ipinatupad ang clearing operation sa Divisoria.

Bukod sa mga Roman Street vendors, isang grupo ng mga Pilipino sa France ang nag-ambag-ambag at nagbigay ng donasyong 1,500 euro o katumbas ng halos P85,000.

Screenshot mula sa The Capital Report

Isiniwalat ng alkalde na maraming mga ordinaryong mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagtatanong kung paano sila makapag-aambag ng kahit maliit na halaga lamang.

Sinabi ni Mayor Isko na inihahanda na nila ang isang online application na maaaring ma-download at magamit ng sinumang nais magpaabot ng tulong para sa mga proyekto ng Lungsod ng Maynila.

Source :

YouTube

Loading…