Taal evacuee masayang nairaos ang debut party sa evacuation center sa Batangas

  • Isang dalaga ang nagdaos ng kanyang 18th birthday sa evacuation center sa Nasugbu, Batangas
  • Sa tulong ng mga guro sa paaralan na ginawang evacuation center at barangay officials ay masayang nairaos ang debut party
  • Labis ang sayang naramdaman ng debutante sa kabila ng hirap ng buhay sa evacuation center

Sa gitna ng hirap na dinaranas sanhi ng pag-alburoto ng Taal Volcano, masayang nairaos ng isang evacuee ang kanyang ika-labingwalong kaarawan sa loob ng isang paaralan na ginawang pansamantalang evacuation center sa Nasugbu, Batangas.

Imahe mula sa NECS

“Sa kabila ng sakunang dulot ng pagputok ng Bulkang Taal, ang mahalagang araw sa isang evacuee na debutante ay pinagtulung-tulungang maisakatuparan,” post ng Nasugbu East Central School (NECS) Evacuation Center.

Nagdiwang ng kanyang 18th birthday ang evacuee na kinilala lang sa pangalang “Regie” na residente ng Barangay Talaga, Lemery, Batangas sa loob ng paaralan na ginawang evacuation center.

Sa tulong ng mga guro ng NECS at mga opisyal ng barangay Lumbangan ay masayang naidaos ang debut party ng dalaga.

“Regie’s 18th birthday. One of our evacuees from Brgy. Talaga Lemery, Batangas. NECS family and the people of Brgy. Lumbangan is happy to be part of this very unforgettable moment of your life…..thanks for all the people who made this possible,” post ng NECS sa Facebook page nito.

Imahe mula sa NECS

Ang mga kasuotan ng cotillion dancers ay pawang nanggaling sa mga donasyong damit. At dahil walang kakayanan para makabili ng sapatos na magagamit sa espesyal na okasyon, makikitang naka-tsinelas lang sila.

Nagtulung-tulong naman ang lahat para sa pagkaing handa sa kanyang kaarawan.

Labis ang kasiyahang nadama ng debutante at maging ng kanyang pamilya. Pinasalamatan ni Regie ang lahat ng nasa likod ng matagumpay niyang debut party.

Sa kasalukuyan ay mayroong 620 evacuees sa loob ng NECS.

Imahe mula sa NECS
Source :

Facebook

Loading…