Taal evacuee na nakauwi na sa kanilang bahay, may ‘instant’ sari-sari store dahil sa mga donasyong relief goods

  • Nakauwi na ang ilang evacuees matapos ang pag-aalburuto ng Bulkang Taal
  • At ang ilan sa kanila, marami ding naiuwing relief goods na donasyon ng mga tumulong
  • Dahil sa dami, ‘nakapagtayo’ ang ilan sa kanilang ‘negosyo,’ partikular ang sari-sari store

Nakita ang pagbabayanihan ng mga Pilipino noong nag-alburoto ang Bulkang Taal. Umapaw ang tulong mula sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa bansa para sa mga evacuees sa Batangas at ilang kalapit na lugar. At hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagdating ng ayuda para sa mga apektadong residente.

At ngayong nasa Alert Level 3 na lamang ang Taal, may ilang mga bakwit nang pinayagang umuwi sa kanilang mga tahanan. At ang ilan nga sa kanila ay abala sa pag-aayos ng kanilang mga tahanan at ng kanilang mga ‘instant negosyo.’

Larawan mula sa Facebook post ni Christian Finn De Villa

Ibinahagi ng netizen na si Christian Finn De Villa ang larawan ng kanyang nabuong sari-sari store dahil sa mga relief goods, partikular na ang mga de lata, na nakuha nila noong nasa evacuation center pa. Biro ni Christian sa kanyang post, nagpapasalamat siya sa mga tumulong sa kanila dahil nagkaroon sila ng istant kabuhayan.

“Christian’s sari-sari store is officially now open!! Salamat po sa nag-donate. Nagkatindahan po ako nang di inaasahan. #BangonBatangas,” pahayag ni Christian na piniling maging masiyahin sa kabila ng hinaharap na pagsubok.

Agad namang bumenta, hindi ang kanyang mga tinda, kung hindi ang kanyang post sa mga netizen. Umabot lang naman ng 9,700 reactions, 744 comments, at 7,300 shares ang kanyang post kasama ang larawan ng kanyang mga ‘paninda.’

Marami namang netizens ang na-good vibes sa post na ito ni Christian. Masaya silang malaman na kahit nagkaroon ng suliranin ang mga ito noon dahil sa Taal ay nagagawa pa rin nilang magbigay ng ngiti sa kanilang kapuwa.

Larawan mula sa Facebook post ni Dyosa Pockoh

Concerned naman ang isang netizen sa bagong negosyo ni Christian. Sabi nila, wala raw magiging customer ang tindahan dahil paniguradong ang kanilang mga kapitbahay ay nakaipon din ng mga ‘sari-sari store’ items.

Nakisali rin sa saya ang komedyante at vlogger na si Dyosa Pockoh. Panawagan niya sa mga co-seller niya ng sardinas, dapat daw ay mag-one price lang sila para naman patas ang kompetisyon at pare-parehas silang makabenta.

Loading…