Bulkang Taal muling nagbuga ng makapal na usok, bilang ng mga pagyanig tumaas

  • Muling nagbuga ng makapal na us0k  ang bulkang Taal nitong Biyernes ng umaga
  • Nakarinig ng malakas na rumbling sound ang mga residente ng Agoncillo bago ang pagbugang naganap
  • Muling nagbabala si PHIVOLCS director Solidum sa mga taong magpupumilit na bumalik sa loob ng danger zone

Muling nagbuga ng makapal na us0k ang Bulkang Taal nitong Biyernes ng umaga, ika-24 ng Enero. Palatandaan ito na patuloy ang pag-akyat ng magma mula sa ilalim ng bulkan, ayon sa mga eksperto ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Screenshot mula sa video ng GMA

Ayon kay Paolo Reniva, resident volcanologist ng Taal, ang pagbuga ng us0k na nagsimula pasado alas-singko ng madaling araw ang pinakamalakas na pagbuga ng Taal nitong mga nakalipas na ilang araw.

Nakarinig umano ang mga residente ng bayan ng Agoncillo ng malakas na rumbling sound bago ang pagbugang naganap.

Ang bulkan ay may 30% tsansa na muling mag-erupt kaya ang mga residente ay pinapayuhang umalis sa danger zone lalo sa volcano island mismo kung saan posibleng magkaroon ng phreatic eruption. Ang ganitong uri ng pagsabog ay sanhi ng tubig na uminit dahil sa magma.

“Ito ay patunay na may aktibidad pa sa ilalim kasi nandiyan pa po ang magma at ‘yung tubig diyan ay napapakuluan. Wala lang masyadong puwersa para magkaroon ng pagsabog pero ‘yung steaming eh nag-increase nang konti,” ayon kay Phivolcs director Renato Solidum.

Screenshot mula sa video ng GMA

“’Pag nabara ‘yung us0k na ‘yan, s’yempre magkakaroon ng pressure. Baka sumabog,” dagdag pa ni Solidum.

Muling inulit ni Solidum ang babala sa mga taong magpupumilit na makabalik sa loob ng danger zone. Aniya, aktibo pa rin ang abnormalidad ng Taal kaya’t nababahala siya na magkaroon ng pagsabog habang may mga tao sa mga bayang kalapit ng bulkan.

“’Yan nga ang sinasabi natin, anytime pwedeng mangyari. Baka ma-timing na nandun sila at mapahamak,” aniya.

Samantala, nadagdagan umano ang bilang ng mga pagyanig dulot ng aktibidad ng Taal. Mula sa 444 noong Huwebes, ika-23 ng Enero, ay 466 ang naitala ng mga instrumento nitong Biyernes.

Loading…