Tala Dance Festival, gagawin sa ASAP ngayong Linggo; mga nag-viral na nag-cover ng Tala, imbitado

  • Ilulunsad sa ASAP Natin ‘To sa Linggo ang Tala Dance Festival
  • Imbitado ang ilang nag-viral ang dance cover ng Tala sa social media
  • Pangungunahan ni Sarah Geronimo ang nasabing dance festival sa ASAP

Sa pagpasok ng 2020, Tala pa rin ang paboritong sayawin ng mga Pilipino. Sandali nating nakalimutan ang mga pinausong sayaw ng mga Korean artist o musikang KPop, maging ang iba’t ibang banyagang dance challenges online.

Patuloy na pinaiindak ng 3-year-old dance hit ni Sarah Geronimo ang sambayanang Pilipino. Kabi-kabila pa rin ang dance covers sa social media na patuloy namang kinatutuwaan ng mga netizen. At dahil sa pagkapatok ng Tala, ilulunsad ng longest running musical variety show sa bansa na ASAP Natin ‘To ang Tala Dance Festival sa Linggo.

Larawan mula sa ASAP Official Facebook page

Sa Facebook page ng ASAP ay inanunsiyo nila ang pagsasama-sama ng mga Kapamilya artist sa pangunguna ni Sarah G upang sabay-sabay na sayawin ang sikat na dance song na Tala. Ayon sa post, buong mundo raw ang makikisayaw sa Tala sa kanilang show.

“Buong bansa, buong mundo… Isang TALA ngayong Sunday sa #ASAPNatinTo… Pakatutukan yan!” post ng ASAP Official page kalakip ang Tala cover ni Sarah kasama ang ilang kaibigan. Umabot na ito sa halos 100,000 views, 6,200 reactions, 151 comments, at 664 shares.

Ngunit hindi lamang mga celebrity ang makikisayaw sa Tala Dance Festival sa ASAP sa Linggo. Pati ang ilang netizen na nag-cover ng Tala at nag-viral sa social media ay makikiindak din sa Sarah G song. Isa sa mga imbitado ay si Daddy Marc Angelo Verucio na sinayawan ang tatlong buwang gulang na anak ng Tala para daw maging Popster ang kanyang anak.

Makikisayaw rin sa ASAP studio ang iba’t ibang pangkat na gumawa ng dance cover ng Tala kabilang ang Amadanza mula sa Pampanga at Far Eastern University (FEU) PE Teachers. Maging ang mga kababayan natin sa iba’t ibang propesyon ang magiging special guest din sa ASAP sa Linggo.

Larawan mula sa ASAP Official Facebook page

Sasaluduhan sa dance floor ang pulis mula sa Tondo, Manila na si Pat Arafat Santos at ang dancing psychologist na si Riyan Portuguez mula sa Antipolo dahil imbitado rin sila sa Tala Dance Festival ng musical show.

Maraming fans naman ang nag-aabang na sa episode na ito ng ASAP, partikular na ang mga Popsters o fans ni Sarah na proud na proud sa kanilang idolo dahil sa tagumpay na tinatamasa ng kanyang kanta ilang taon matapos itong ilabas ng singer.

Loading…