Talisay vice mayor binalaan ng DILG dahil sa mga pahayag nito laban sa PHIVOLCS

  • Talisay vice mayor binalaan ng DILG dahil sa pambabatikos sa PHIVOLCS
  • Posible umanong parusahan si vice mayor Charlie Natanauan dahil sa pambabatikos sa ahensya ng pamahalaan na nakatutok sa isang krisis
  • Humingi na ng paumanhin sa DILG ang bise alkalde subalit hindi pa rin niya pinaniniwalaan ang mga pahayag ng PHIVOLCS

Maaaring patawan ng parusa ang kontrobersyal na vice mayor ng Talisay, Batangas na si Charlie Natanauan dahil sa mga kritisismong ginagawa niya laban sa direktor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na si Undersecretary Renato Solidum.

Imahe mula sa Facebook account ni Charlie Natanauan

Tinawag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Calabarzon officer-in-charge na si Assistant Secretary Elias Fernandez na “unbecoming of a public servant” ang mga pahayag ni Natanauan.

“He is a public official and he is accountable for his statements,” ani Fernandez sa isang press briefing sa Lipa, Batangas.

Ang bantang sanctions laban sa bise alkalde ng Talisay ay kasunod ng mga pahayag niya laban kay Usec. Solidum na nagsabing malaki pa ang posibilidad na magkaroon ng delikadong pagsabog ang Taal Volcano anumang oras kaya hindi pa maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga lugar na sakop ng danger zone, kabilang ang Talisay.

Pilit namang hinihikayat ni vice mayor Natanauan ang mga residente ng Talisay na magsibalik na sa kanilang mga tahanan sa kabila ng mahigpit na pagbabawal ng mga awtoridad.

Pinayuhan naman ng tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya na manahimik na si Natanauan at kung hindi ay haharap siya sa parusa dahil sa pambabatikos sa ahensya ng pamahalaan na nakatutok sa isang krisis.

Imahe mula sa DILG Calabarzon

Kasunod ng babala ng DILG ay humingi ng paumanhin ang vice mayor, ngunit nanindigan ito na mas pinaniniwalaan niya ang naging karanasan ng kanyang pamilya noong pumutok ang Taal noong 1965 kaysa sa pahayag ni Solidum.

Aniya, ang kasalukuyang pag-aalburoto ng Taal ay hindi kasing lakas ng 1965 eruption.

Samantala, sinabi ni Volcano Monitoring ang Eruption Prediction Division head ng PHIVOLCS na si Ma. Antonia Bornas na nauunawaan nila ang pinaghuhugutan ni vice mayor Natanauan, subalit iginiit ng opisyal na ang mga impormasyong inilalabas ng ahensya ay batay sa siyensya.

Pangako ni Bornas, ang PHIVOLCS ang mauunang magsasabi kung ligtas nang bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga naapektuhan ng Taal.

Screenshot mula sa video ng Inquirer
Source :

RMN, Brigada News

Loading…