Textbook na may maling impormasyon hinggil sa Bulkang Taal, kailangan nang mabago

  • Pinag–usapan ng mga netizens ang isang aklat na mahihinuhang para sa asignaturang HEKASI o Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika
  • Makikita kasi rito na ang binabanggit lamang na Bulkang Taal ay ang pinakamaliit na bunganga  o crater nito
  • Tinatawag itong Binintiang Malaki na bahagi lamang ng bulkan

Isa ang mga batayang aklat o textbook sa mga kagamitang panturo na kinakailangan ng mga mag–aaral sa paaralan. Katuwang ito ng mga guro upang maging matagumpay ang mga layunin ng pagtuturo at pagkatuto. Ito ang nagsisilbing bukal ng mga kaalaman. Mahalagang wasto ang mga impormasyong nakalagay at mababasa rito.

Kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Taal, itinampok sa isang Facebook page ang isang pahina ng aklat na hindi pinangalanan ang pamagat at palimbagan, na sinasabing naglalaman ng maling impormasyon hinggil sa bulkan.

Imahe mula sa Facebook page na “Hahaha Gago”

Tanging larawan lamang kasi ng maliit na bunganga ng bulkan na tinatawag na “Binintiang Malaki” ang makikita rito na may caption na “Ito ang pinakamaliit na bulkan at matatagpuan sa gitnang Lawa ng Taal sa Batangas.

Nagbigay naman ng opinyon dito ang mga netizens. Sabi ng isa, I think dapat ang nasa description ay Mt. Binintian, a part, and the accent of Taal Volcano Complex foreground view from Tagaytay City.”

“Hindi lang maayos ang description, importanteng kauna–unawa ang kwento at description kasi Philippine history and geography ito eh, mahalagang tama lagi ang turo, kawawa ang mga susunod na henerasyon kapag naligaw,” sabi naman ng isa.

Turan naman ng isa, ” Not completely false. Binintiang Malaki is still Taal Volcano. It is just one of the several cones and craters that litter the island. In fact, the entire lake itself and the caldera where Tagaytay stands now, is part of the Taal Volcano complex.”

Sa muling pagputok ng Bulkang Taal, kasabay ring pumutok ang kuryosidad ng mga Pilipino hinggil dito. Ito ay isa sa mga pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas na pumutok sa loob ng 33 beses. Lima rito ay lubhang mapanganib; noong 1749, 1754, 1911, 1965, 1977, at ngayong 2020.

Ang larawan ng bulkan na tinutukoy sa aklat ay isa lamang sa mga crater o bunganga nito na tinatawag na Binintiang Malaki. Sinasabing ang buong lawa, sa kabuuan, ay sumasakop sa buong bunganga ng Bulkang Taal. Sa lawa matatagpuan ang isdang tawilis na itinuturing na endangered species.

Public Domain Image

Samantala, ang pagbuo ng aklat ay dumaraan sa mahaba at masinsing proseso. Kapag ito ay naisulat na ng manunulat o awtor, ipinapasa niya ang manuskrito sa editor. Ang editor naman ang tumitingin sa kalidad ng manuskritong ipinasa sa kaniya. Ibinabalik niya sa awtor ang inedit na manuskrito upang muli itong ayusin at bigyang–pansin.

Kapag nagawa na ito, muli niyang ibabalik sa editor ang inayos na manuskrito. Mag–iimprenta ng isang buong manuskrito para sa proof reading, kasama na ang mga larawan na magbibigay ng dagdag–kaalaman at susuporta sa isinulat hinggil sa paksa.

Kapag maayos na maayos o malinis na malinis na ito, ihahanda na ito para sa pagpapalimbag ng maraming kopya. May tatlo hanggang limang taon ang isang aklat bago ito dumaang muli sa rebisyon, batay na rin sa mga pagbabago sa lipunan.

May ilang mga espesyalista na ang trabaho ay hanapin ang mga mali o hindi wastong mga impormasyon o detalye sa mga akademikong babasahin, lalo na ang mga batayang–aklat na ginagamit na kagamitang panturo sa mga paaralan. Isipin na lamang, ilang milyong mga bata ang magkakaroon ng maling konsepto o ideya na hahambuhay nilang dadalhin kapag hindi naitama ang maraming mga mali sa aklat. Hindi iyon nakatutuwa, hindi ba?

Public Domain Image

Loading…