The Drama Queen is back: Julia Montes kumpirmado ang pagbabalik showbiz ngayong 2020

  • Kumpirmado na ang pagbabalik showbiz ng aktres na si Julia Montes
  • Mananatiling Kapamilya ang tinaguriang Daytime Drama Queen ng ABS-CBN
  • Ayon sa kanyang manager, maraming exciting projects si Julia ngayong taon

Tila taon ng comeback ang 2020 para sa mga showbiz personalities na pansamantalang tinalikuran ang limelight. Matapos kasi ang pormal na anunsiyo ng pagbabalik sa pagbibida sa pelikula ng award-winning actor na si John Lloyd Cruz, kumpirmado na rin ang muling paggawa ng proyekto ng Kapamilya daytime drama queen na si Julia Montes.

Sa isang Facebook post, inihayag ng talent management na Cornerstone Entertainment na opisyal na ang pagbabalik showbiz ni Julia ngayong 2020 at magiging kapanapanabik daw ang mga naka-line up na proyekto para sa kanya.

Larawan mula sa Cornerstone Entertainment Inc.

Wala ring lipatan ng istasyong mangyayari sa pagbabalik ni Julia sa telebisyon dahil mananatili siyang Kapamilya.

Nag-post sa kanyang Instagram account ang ABS-CBN executive na si Deo Endrinal ng larawan nila ni Julia matapos ang isang meeting. Sabi ni Deo, may mga tao raw talagang karapat-dapat hintayin tulad ni Julia.

“Sometimes, some people are just worth the wait. Welcome back,” sabi ni Deo sa kanyang post kalakip ang larawan nila ni Julia at iba pang bosses sa ginawa nilang meeting kasama si Julia.

Tuwang-tuwa naman ang fans ni Julia sa kanyang pagbabalik showbiz. Na-miss daw kasi nila ang magagandang proyekto nito at ang mahusay na pag-arte niya na kinilala sa loob at labas ng Pilipinas. Ilan sa mga tumatak na proyekto ng 24 anyos na aktres ay ang remake ng Mara Clara, Walang Hanggan kasama ang rumored boyfriend niyang si Coco Martin, at afternoon drama series na Doble Kara.

Hindi lang fans ni Julia ang na-excite sa kanyang pagbabalik. Marami ring celebrity ang nagpaabot ng kanilang pagbati sa young actress katulad ng mga Kapamilya royalties na sina Bea Alonzo, Maja Salvador, Angeline Quinto, Dimples Romana, at Denise Laurel.

Larawan mula Instagram account ni Deo Endrinal

Matatandaang matapos ang kanyang teleseryeng Asintado noong 2018 ay agad na umalis si Julia at nagtungo sa Germany upang alagaan daw ang kanyang ama na si Martin Schnittka. Gayunman, umugong ang balitang nagdadalantao raw si Julia kaya umalis ng bansa na agad namang pinabulaanan ng kanyang talent management.

Sa kasalukuyan ay hindi pa tukoy ang magiging proyekto ni Julia. Wala rin siya sa mga artistang ipinakitang may gagawing proyekto ngayong 2020 sa teaser plug ng ABS-CBN ngunit umaasa ang fans niya na may nakahandang magandang serye para kay Julia ngayong taon.

Loading…