Tindang munggo na “6.50 each” ang presyo, kinaaliwan ng mga netizens

  • Bibili ka ba ng munggo kung “6.50 pesos each” ang presyo nito?
  • Nagbunsod ng katatawanan sa mga netizens ang isang larawan na nagsasaad ng presyo ng munggo na itinitinda sa mercado
  • Nagkomento naman ang mga netizens hinggil dito

Isa sa mga paboritong gulay na inuulam ng mga Pilipino ang munggo. Ginigisa ito sa bawang, sibuyas, at kamatis, nilalagyan ng mga sahog na dahon ng ampalaya, karne ng baboy, isda, hipon, tinapa, o kaya naman ay chicharon. Samahan ng mainit na kanin, talagang solved na solved ang kainan.

Kaya naman, nagdulot ng katatawanan sa mga netizena ang larawang ibinahagi ng isang Facebook user na si AC Subijano, na makikita rin sa Facebook page na “Moymoy Palaboy”, hinggil sa presyo ng tindang munggo.

Ipinakikita sa kaniyang Facebook post ang larawan ng tindang munggo na ang nakalagay na presyo sa tag ay “6.50 pesos each”; nangangahulugang bawat butil ng munggo ay 6.50 piso ang presyo.

Imahe mula sa Facebook account ni AC Subijano

“Magluluto sana ako ng ginisang munggo, kaya lang baka 10 pieces lang mabili ko… Ano ba ‘tong munggo ninyo, may karne sa loob?” ayon sa caption ng post.

Umani naman ito ng nakatatawang reaksyon mula sa mga netizens. Biro ng isa, “Hahahaha mas mahal pa sa sili iyang munggo ninyo, panawagan sa DTI paki-korek ang SRP.”

“Kapag bumili kayo bawat isang pirasong munggo, itanim ninyo na muna para kapag bumunga iyan, marami na kayong munggo at ibenta ninyo rin ng 6.50 isa,” hirit naman ng isa.

Banat naman ng isa pang online user, “Time to explore new ventures! Makapag–open na nga ng mongo business. Kapag ganiyan ang bentahan, tiyak ang mabilis na pagyaman hahahaha.”

Inisip na lamang ng mga netizens na nagkamali lamang sa inilagay na label ng tag kung sinuman ang naglagay nito sa munggo. Sa kasalukuyan, maaaring makabili ng isang supot ng munggo sa suking tindahan sa halagang 10 piso. Naglalaro naman sa 80 hanggang 90 piso ang kilo nito sa mismong palengke.

Public Domain Image

Loading…