Tingnan: Sa halip na bridal car, kariton na hila ng kalabaw ang sinakyan ng bagong kasal sa Sultan Kudarat

  • Kakaiba ang naging sasakyan ng bagong kasal sa Sultan Kudarat
  • Sa halip na bridal car ay mas piniling sumakay nina Jovert Torres at Marjorie Rombaoa sa kariton na hila ng isang kalabaw
  • Kita naman sa mga larawan ng dalawa ang saya na kanilang naramdaman sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib

Naging kakaiba ang pagdiriwang ng mga bagong kasal sa Sultan Kudarat sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib.

Imahe mula sa Fudge Shots | Facebook

Sa Facebook, agaw-pansin ang nagsilbing sasakyan ng bagong kasal na sina Jovert Torres at Marjorie Rombaoa matapos nilang sambitin ang kanilang wedding vows.

Ginanap ang pag-iisang dibdib ng dalawa sa Centro La Caridad na matatagpuan sa Brgy. Tual, President Quirino, Sultan Kudarat noong January 11.

Naging kakaiba ito sa paningin ng marami dahil sa halip na sa bridal car sumakay ang mga bagong kasal ay gumamit sila ng munting kariton na hila ng isang kalabaw.

Ibinahagi ni Fudge Pulido mula sa Fudge shots ang mga larawan at video ng magkasintahan sa social media.

Kita-kita sa mga ito ang saya nina Jovert at Marjorie habang sila ay sakay ng kanilang ‘bridal kariton.’

Sa post naman ng pinsan ng bride na si Robert Rombaoa, ipinaliwanag nito kung ano ang isinasalamin ng ginamit na sasakyan sa kasal nina Jovert at Marjorie.

“This wedding of my cousin Marjorie Aradanas Rombaoa indeed depicts our lives as Rombaoas. As the quotes say ‘Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan ay hindi makakarating sa kanyang paroroonan,’ sabi nito sa post.

Imahe mula sa Fudge Shots | Facebook

Lumaki umano sila na nakikita ang kanilang mga magulang na sumasakay ng kariton papunta sa bukid upang maghanapbuhay.

Sa murang edad ay namulat sila sa sakripisyo ng kanilang mga magulang para sila ay makapag-aral. Dahil na rin umano doon ay natutunan nilang magsikap upang maabot ang kani-kaniyang mga pangarap.

Imahe mula sa Fudge Shots | Facebook

“I am proud to say that most of us now are successful in different field of professions,” ayon kay Robert.

“This wedding of my cousin is indeed a tribute to our parents who truly strived [to help us achieve] where, who, and what we have now!,” sabi nito sa post.

Loading…