Ulilang SHS student na nagtapos nang may karangalan: “Patuloy lang ang laban”

  • Ibinahagi ng isang ulilang Senior High School student na nagkamit ng karangalan ang kaniyang mga pinagdaanan bago maabot ang inaasam na tagumpay
  • Aniya, ang layunin ng edukasyon ay mahulma ang mga tao na maging makatao at hindi lamang basta edukado
  • Mensahe niya para sa mga katulad niya: “Tuloy lang ang laban”

“Walang mahirap sa taong may pagtitiyaga at pagsisikap upang makamit ang mga pangarap.”

Minsan pa, pinatunayan iyan ng isang ulilang Senior High School student na nagngangalang “Ryan Rodriguez” matapos niyang ibahagi ang kaniyang karanasang pinagdaanan bago makamit ang pagtatagumpay sa kaniyang pag–aaral. Makikita sa kaniyang mahabang Facebook post ang kalakip na larawan kung saan nakasabit ang napakaraming medalya ng karangalan sa pagtatapos sa Senior High School.

Imahe mula sa Facebook account ni Ryan Rodriguez

Salaysay ni Ryan, maaga umano silang naulila ng kaniyang kuya. Hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan. Nakatikim umano sila ng mga hindi magagandang salita mula sa kanilang mga mismong kaanak; na hindi raw nila kayang tumayo sa sarili nilang paa. Subalit pinagsumikapan umano nilang patunayang mali ang mga iyon.

Lahat daw ng klase ng paghihirap ay naranasan niya habang ginagapang niya ang pag–aaral. Naranasan daw niyang pumasok nang walang laman ang sikmura. Halos isa o tatlong oras lamang ang tulog dahil “rumaraket” siya sa pamamagitan ng pagtatrabaho bilang sales agent ng sabon at iba pang wellness products, o kaya naman ay ginagawa niya ang mga assignments o projects ng mga kaklase. Minsan, muntikan na rin siyang matumba dahil sa gutom at pagod.

Naging student aide din siya sa SHS office at ginamit ang kita rito upang magamit sa kaniyang mga assignments at projects. Naging mabuti raw ang kaniyang mga guro at mga kamag–aral dahil binibigyan siya ng pera kung sasali siya sa mga paligsahan, o kaya naman ay pasukan na’t kailangan na niyang bumili ng bagong sapatos o mga kagamitan.

Public Domain Image

Marami raw napagtanto si Ryan sa kaniyang mga karanasan.

“The kindness that all of these people gave me restored my faith in humanity. It re–calibrated my perception of my life and purpose. It gave me a sense of refuge and safety. The kindness and considerations these benevolent people extended to me and my brother sustained the fire in me to do better. These people had been my daily motivation and made me believe that the world can still be a better place,” ani Ryan.

Hindi rin daw nasusukat sa dugo ang isang kapamilya. Minsan daw, mas maituturing pang pamilya ang mga kaibigan at iba pang mga taong maaasahan sa mahigpit na pangangailangan. Sa dulo ng kaniyang post, pinasalamatan niya ang mga taong tumulong sa kaniya.

Kaya pangwakas na pahayag at mensahe niya para sa mga kagaya niya: “Para sa ating mga nahihirapan pero patuloy na nangangarap, TULOY ANG LABAN!”

Pagbati sa iyo, Ryan! Nawa ay pamarisan ka ng iba!

Source :

Facebook

Loading…