Vilma Santos kay Rita Daniela na una niyang beses na nakita sa personal: “I’m a fan, you’re so good!”

  • Nagkita sa unang pagkakataon sina Vilma Santos at Rita Daniela sa GMA Network
  • Sinabi raw ni Vilma kay Rita na fan siya nito at napapanood niya ang mga projects nito
  • Hindi naman makapaniwala si Rita na pinapanood siya ng idolong si Vilma

Dumalaw muli sa GMA Network ang nag-iisang Star for All Seasons na si Congresswoman Vilma Santos-Recto matapos ang ilang taon. Nag-guest siya sa birthday special ni Willie Revillame sa Wowowin kung saan nagpaabot ito ng tulong sa Taal evacuees.

Naroon din sa show ni Willie ang ilang Kapuso stars kabilang ang singer at aktres na si Rita Daniela. Nagkaroon din sila ng pagkakataon na magkita nang personal ni Vilma na nangyari sa unang pagkakataon.

Ibinahagi rin ni Rita sa kanyang Instagram account ang naging matamis na mensahe sa kanya ni Ate Vi at sinabi sa kanyang fan siya ng beteranang aktres.

Larawan mula sa Instagram account ni Rita Daniela

Hindi raw inaasahan ni Rita na kilala siya ni Vilma. Kaya naman nang kausapin siya nito nang magpalitrato siya, pakiramdam daw niya ay huminto ang kanyang mundo. Sinabihan pa raw siya ni Vilma na isa siyang mahusay na aktes.

“Starstrucked. Iyong pakiramdam na huminto panandalian iyong mundo mo noong unang beses mo siyang nakilala.. tapos kilala ka pala niya,” bungad ni Rita sa kanyang post.

“Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa pagkakataong binigkas niya ang mga salitang ‘I’m a fan,’ ‘you’re so good!,’ ‘ang galing mong kumanta,’ ‘ang galing ninyo! pinapanood ko kayo!’ at ‘bagay kayong dalawa!” pagpapatuloy ni Rita sa kanyang post.

Hindi raw lubos maisip ng Popstar Kids grand winner na ang dating primera klaseng aktres na pinanonood lang niya ang mga pelikula ay mismong babati at pupuri sa kanya at siya naman daw ang pinanonood nito ngayon.

Larawan mula sa Instagram account ni Rita Daniela

“Pinapanood lang kita dati.. bilib na bilib po ako sa inyo, hindi ko akalain na ako naman ang mapapanood mo,” proud na sambit ni Rita sa kanyang post na trending na ngayon sa Twitter.

Kasama rin ni Rita ang kanyang katambal at mabuting kaibigan na si Ken Chan na namangha rin kay Ate Vi. Sumikat si Rita dahil sa natatangi niyang pagganap bilang Aubrey sa 2018 hit series na My Special Tatay.

Loading…