Vilma Santos nag-guest sa birthday celebration ni Willie Revillame sa Wowowin; Willie nagbigay ng P1M donasyon para sa Batangas

  • Naging makabuluhan ang pagdiriwang ng kaarawan ng host na si Willie Revillame
  • Ginawa kasi sa programa niyang Wowowin ang pamimigay ng tulong sa Taal evacuees
  • Dumalaw naman sa show si Cong. Vilma Santos at binigyan ni Willie ng P1 million na donasyon para sa mga nasalanta

Tinutukan ng sambayanan ang naging birthday celebration ng TV host na si Willie Revillame sa kanyang game show na Wowowin. Ngunit kaiba sa normal na episode ng show, naging mas espesyal ang birthday bash ni Willie dahil umulan ng donasyon para sa mga Taal evacuees.

Napuno ang buong studio ng Wowowin, hindi ng mga tao, kung hindi ng mga relief goods na ipamamahagi niya sa mga nasalanta ng Bulkang Taal sa Batangas. Dumagsa rin ang mga Kapuso stars bilang volunteers na nag-iimpake ng mga ipamamahaging tulong kabilang ang sako-sakong bigas at iba pang pangunahing kailangan.

Larawan mula sa YouTube

Nagkaroon din ng pagtatanghal ang mga world class performers tulad nina Rachelle Ann Go, Nina, Marcelito Pomoy, Julie Anne San Jose, at Gerphil Flores. Ngunit ang nagmistulang VIP noong araw na iyon ay ang Star For All Seasons na si Congresswoman Vilma Santos-Recto.

Marami ang natuwa sa muling pagtapak ni Vilma sa Kapuso network kung saan napanood ang kanyang dating musical variety show. Ngayon, napadpad siya sa GMA upang personal na makiisa sa birthday celebration ni Willie na ang layunin ay makatulong sa mga residente ng Batangas.

May session daw noon sa Kongreso si Vilma ngunit nagpaalam upang sandaling magpunta sa Wowowin studio para makapanayam ni Willie. Hindi nakalimutan ng mambabatas mula sa Batangas na pasalamatan ang mga tao at samahang tumulong at patuloy na nagpapaabot ng ayuda sa mga kababayan niya.

“Overwhelming ang lahat ng mga tumutulong sa mga naging biktima ng pagsab0g ng Taal. Galing sa iba-ibang mga lalawigan, private individuals, mga private sector. Kahit na maliit na bagay, malaking bagay, talagang lahat, ipinarating nila at ipinakita iyong pagmamalasakit…” pahayag ni Ate V.

Larawan mula sa Wikipedia

Bago naman matapos ang kanilang pag-uusap, inilabas ni Willie ang isang cheke na nagkakahalaga ng isang milyong piso at iniabot kay Vilma. Ayon kay Willie, tulong daw ito ng buong produksiyon ng Wowowin at GMA Network sa mga nasalanta.

“Ito po, galing sa WBR Productions para makapagbigay tulong. Ito po ay worth 1 million pesos. Bigay po ito ng Wowowin. Hindi ko alam kung kanino ko ibibigay. E kayo talaga ang taga-Batangas, si Senator Ralph Recto, so ito ay iniaabot ko in behalf of GMA-7,” sabi ni Willie.

Labis naman ang pasasalamat ni Congresswoman Vilma sa kanyang inaanak sa kasal na si Willie dahil sa napakaraming tulong nito. Inaasahan ding madadala na sa mga evacuation centers ang lahat ng relief goods sa studio ni Willie ngayong linggo.

Source :

PEP, Facebook

Loading…