Volunteer group, nagbigay ng motivational quotes kasama ng relief packs

Imahe mula sa Facebook | Imahe mula sa Facebook | Reynel Saporna Serdeña at Canossian Volunteers Philippines
  • Isang volunteer group ang namahagi ng mga relief packs para sa mga bakwit na apektado ng pagsab0g ng Bulkang Taal
  • Bukod sa pagbibigay ng kanilang mga pangunahing pangangailangan ay naghandog din sila ng mga motivational quotes
  • Naibaba na sa Alert Level 3 ang Taal ngunit may mga residente pa rin na hindi pa nakauuwi sa kanilang bahay

Bukod sa mga relief goods, nakatanggap din ang mga taga Batangas ng mga motivational quotes mula sa volunteer group na Canossian Volunteers Philippines (CVP) na nagpapadala ng tulong para sa naapektuhan ng pagsab0g ng Bulkang Taal.

Imahe mula sa Facebook | Reynel Saporna Serdeña

Sa ibinahaging mga larawan ni Reynel Saporna Serdeña, makikita ang mga loot bags na may kasamang kapirasong papel na tumutulong upang lumakas ang loob ng mga bakwit. “Bulkan lang ‘yan, Pinoy tayo! Batangueno tayo,” sabi ng isa.

Ang ilan pa, ipinaalala naman na ang kahalagahan ng patuloy na pananalig sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinahaharap. “Kung sa tingin mo naman walang nagbibigay ng love sa ‘yo, huwag na huwag mong kalilimutan si God. Love na love ka niya,” nakasulat naman sa isang papel.

May mga papel din na nagsasabing “Mahal tayo ng Diyos kaya laban lang!” “Makatatanggap ka ng pagpapala sa lugar na hindi mo inaasahan,” at “’Wag kang kabahan! Nakalimutan mo na ba na kasama mo si Lord?”

Imahe mula sa Facebook | Reynel Saporna Serdeña

Bukod sa loot bags, may ipinamigay rin ang grupo na mga relief packs na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan ng mga bakwit kagaya ng underwear, diaper, sanitary napkins, food packs, at pre-loved clothes.

May ilang mga residente na ang nakabalik sa kanilang mga tahanan matapos na ibaba ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal ngunit marami pa rin ang nananatili sa mga evacuation center. Enero 12 nang maganap ang phreatic erupti0n sa Bulkang Taal na gumulat sa mga residente at turista na naroon.

Mahigit isang linggo ring nakataas sa Alert Level 4 ang bulkan na bagama’t nagdulot ng pangamba sa mga residente ay hindi nakapigil sa mga mamamayang Pilipino na patuloy na magpaabot ng tulong.

Loading…