Walang nagbasa? Isang customer feedback box sa LRT station, ginawang donation box ng mga commuter

  • Trending sa Facebook ang larawan na nagpapakita raw ng pagiging ‘pasaway’ ng ilang Pilipino
  • Ginawang donation box kasi ang isang customer feedback box sa isang LRT station
  • Patunay din umano ito ng mababa talaga ang reading comprehension ng mga Pilipino

Sinasabing kung gustong makamit ng isang bansa ang kaunlaran, kinakailangan ng mga mamamayan nito ng disiplina. Kailangang sumunod sa batas na nilikha para sa kapakanan ng lahat. Maging sa maliliit na kautusan ay kailangan ding tumalima dahil dito raw masusukat ang kagustuhan ng mga mamamayang sumunod sa mas malalaking alituntunin.

Pero ang mga Pilipino, tila hindi pa yata handang umunlad dahil hindi pa rin nakasusunod ang ilan sa mga simpleng panuto lamang. Ito ang laman ng viral Facebook post ng netizen na si Kyle Vince Dizon kung saan makikita na ang isang kahon para sa suhestiyon at komento ng mga mananakay ng LRT ay ginawa nang donation box.

Larawan mula sa Facebook post ni Kyle Vince Dizon

Ayon kay Kyle, nakuhanan niya ang larawan sa LRT station sa Abad Santos. Mayroong malaking label ang transparent na kahon na nakasulat na “customer feedback box” ngunit imbes na papel na mayroong komento o hinaing, naglalaman ito ng napakaraming barya at ilang perang papel.

Dahil dito, napulaan ni Kyle ang reading comprehension ng mga Pilipino na nagdudulot daw ng ilang kapalpakan katulad ng maling paggamit ng mga bagay, at malaking halimbawa nga ay ang feedback box na biglang naging donation box.

Noong Disyembre lamang, napaulat sa isang pag-aaral ng Programme for International Students Assessment (PISA) na kulelat ang Pilipinas pagdating sa pag-unawa sa binasa. Pinakamababa ang marka ng Pilipinas mula sa 79 na bansang lumahok sa nasabing assessment kaya naman maraming netizens ang sinabing mukhang hindi nga nagkakamali ang pag-aaral na ginawa.

Agad na nag-viral sa social media ang post ni Kyle at umabot sa higit 7,100 reactions na puro ‘haha’ at halos 8,000 shares  na wala pang kalahating araw na naka-upload. Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizen.

Larawan mula sa Pexels

May ilang nagsabi na nakakahiya raw ang ganitong gawi ng mga Pilipino. Sa panahon daw ngayon, talagang naisasawalang-bahala na ang pagbabasa kaya sablay sa maraming gawain ang karamihan. May ilan namang dinaan sa biro ang kanilang saloobin.

Sabi ng isa, sana raw ay mayroong feedback box sa kanilang bahay dahil instant money daw ito. May ilan namang nagsabi na swerte ang LRT station dahil feedback lang ang hinihingi, nakakuha sila ng pera nang walang effort.

Loading…