WHO idineklara ang nCoV bilang isang global health emergency

  • WHO idineklara na isang international health emergency ang nCoV
  • Sa kasalukuyan ay may 9,692 cases na ng nCoV infection at 213 pasyente na ang hindi nakaligtas
  • Ang ipinag-aalala ng WHO ay ang malaking posibilidad na kumalat ang virus sa mga bansang may mahinang health systems at hindi handa na ito ay harapin

Idineklara ng World Health Organization (WHO) na isang global health emergency ang novel coronavirus (nCoV) outbreak na nagsimula sa Wuhan City, Hubei Province sa China.

Imahe mula sa CSIS

Sa kasalukuyan ay nasa mahigit siyam na libong (9,692) tao na ang kinapitan ng mabagsik na nCoV at mahigit dalawandaang (213) tao na ang nasawi dahil dito. Labingsiyam na bansa na ang nag-ulat na may kaso ng nCoV infection, kabilang ang Pilipinas.

“Over the past few weeks, we have witnessed the emergence of a previously unknown pathogen which has escalated into an unprecedented outbreak,” pahayag ni WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus noong Huwebes, ika-30 ng Enero.

Ipinaliwanag ng WHO na ang isang international emergency ay isang “extraordinary event” na may dalang panganib sa ibang mga bansa at nangangailangan ito ng “coordinated international response.”

Ayon kay Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang pangunahing dahilan ng pagdedeklara ng international health emergency ay hindi dahil sa kung ano ang nangyayari sa China kundi kung ano ang nangyayari sa ibang bansa.

Imahe mula sa News5

Aniya, ang lubos nilang ipinag-aalala ay ang malaking potensyal ng virus na kumalat sa mga bansang may mahinang health systems at hindi handa na ito ay harapin.

“This declaration is not a vote of no confidence in China. Our greatest concern is the potential for the virus to spread to countries with weaker health systems and which are ill-prepared to deal with it,” wika ni Ghebreyesus.

Ang human-to-human transmission ng  nCoV ay nakumpirma na sa mga bansa sa labas ng China kabilang na sa United States kung saan ang virus mula sa babaeng nanggaling sa China ay humawa sa kanyang asawa.

Imahe mula sa Radyo La Verdad

Ilang oras lang nakaka-survive ang virus sa labas ng katawan ng tao, pero madali itong mailipat sa pamamagitan ng bodily fluids tulad ng laway.

Isa umano sa pinakamainam na paraan para maprotektahan ang sarili mula dito o sa anumang uri ng virus ay dumistansya ng hanggang anim na talampakan mula sa isang taong may sakit at hugasan nang maigi ang mga kamay ng maligamgam na tubig at sabon.

Source :

WHO, Inquirer

Loading…