Wow mali: Pera na inakalang naiwan ng kapuwa pasehero, ‘display’ pala talaga sa upuan ng jeep

  • Viral sa social media ang nakaaaliw na post ng netizen tungkol sa perang inakala niyang naiwan ng kapuwa nito pasahero
  • Ayon kay Jaypee Mendevil, napansin niyang may P1,000 sa upuan ng jeep kaya naman agad niyang tinawag ang babae na kabababa lang
  • Napakamot na lamang ng ulo ang netizen nang mapagtanto niya na ang pera pala na kaniyang tinutukoy ay sadyang idinisplay sa upuan ng jeep na kaniyang nasakyan

Suwerte kung ituring ng iba kapag nakakita o nakapulot sila ng pera. Sa pagkakataong iyon mas nasusukat ang katapatan ng tao at kagustuhan na mahanap ang tunay na may-ari ng pera na kanilang nakita.

Imahe mula kay Jaypee Mendevil | Facebook

Sa Facebook, viral naman ang post ng netizen tungkol sa perang inakala niyang naiwan ng kapuwa pasahero nito sa jeep.

Sa post ni Jaypee Mendevil sa Facebook noong January 7, ikinuwento niya kung paano siya “na-Wow mali” dahil sa isang libong piso na kaniyang nakita sa upuan ng jeep na kaniyang nasakyan.

“Pagtayo ng babae akala ko naiwan yung P1,000 niya. Tinawag ko pa sabi ko, ‘Ate, P1,000 mo naiwan mo po,’” sabi ng netizen sa post.

Ayon kay Jaypee, inakala niyang pagmamay-ari ng babae ang pera dahil napansin niyang naiwan ito sa upuan pagbaba ng kapuwa pasahero sa pampublikong sasakyan.

Natawa na lamang ang binata nang subukan niyang damputin ang salapi para ibigay sa babae na kaniyang tinawag. Napagtanto kasi niya na sinadya palang i-display ang pera dahil nakapaloob ito sa transparent cover ng upuan ng sinasakyang jeep.

Aminado rin ito na mas natawa siya sa naging reaksiyon ng babae na kaniyang tinawag dahil inakala nitong kaniya talaga ang isang libo na nasa upuan.

“Mas natawa ako kasi akala talaga ni ate may 1k talaga siyang naiwan,” pagbibiro nito sa post.

I-click ang imahe para makita ang buong post

Kinaaliwan naman ng mga netizens ang post ni Jaypee at nagpahayag ang mga ito ng kani-kaniyang reaksiyon tungkol sa naging karanasan ng binata.

“Blade lang katapat niyan kuha na iyan hahaha,” pabirong komento ni MJS.

“Plot twist: Maaalala nung babae na P100 lang pala pera niya,” sabi ni FJRB.

“Pangit naman ng prank ni driver. Kuya, ‘wag ganiyan. Nakakatuwa pero ang pangit sa pakiramdam,” pahayag naman ni JCO.

Source :

Facebook

Loading…