Yayamanin: Isang establisimyento, ginawang ‘tiles’ ang mga lumang Apple products

  • Trending sa social media ang kakaibang tiles ng isang gusali
  • Gawa kasi ito sa mga Apple products na iPad at iPhone
  • Maraming netizens naman ang na-good vibes sa pangmayamang tiles na ito

Usong-uso sa social media ngayon ang mga post na ‘pasosyal’ at mayroong caption na, “hampaslupa.” Mayroon kasing mga tsinelas na mayroong tatak ng mamahaling leather brand kasama pa ang face towel, basahan, upuan, at maging lumpia.

Ngayon naman, trending sa Facebook ang isang post kung saan makikita na ang produkto ng mamahaling brand ng gadgets at smartphone na Apple ay ginawa lamang tiles ng isang gusali. Makikita sa larawang inupload ng netizen na si Cyril Conrad Garcia Tecson ang napakaraming Apple gadgets na nakasemento sa hagdan ng isang establisimyento.

Larawan mula sa Facebook post ni Cyril Conrad Garcia Tecson

Sa tatlong baitang ng nasabing lugar, mayroon lahat na iPhones at iPads na nakalagay sa sahig na animo’y tiles. Sa unang baitang, maayos na nakalatag ang 36 na piraso ng iPhone, habang sa ikalawang baitang naman ay makikita ang iuba’t ibang ayos ng iPhone at ilang iPad.

Sa ikatlong baitang naman ay makikita rin ang mga iPhone at iPad na hindi man nakaayos ay nagmistulang tiles din ng gusaling hindi tinukoy sa post kung anong klase ngunit mukha itong isang tindahan.

Hindi rin tukoy sa nasabing post kung sa Pilipinas ba makikita ang lugar na iyon na mayroong ‘pangmahirap’ na tiles. Ngunit agad na bumenta ito sa mga netizens at umani na ng 8,500 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 2,100 comments, at 12,000 shares ilang araw matapos i-upload.

Umani rin ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizen na nakakita sa nasabing post. Sabi ng ilan, baka raw casing lang ng iPhone ang nasa sahig at ginawang tiles. Pero may ilan namang tila na-inspire sa nakaka-posh na tiles na ito.

Larawan mula sa Pexels

Marami daw sa kanila ngayon ay ang maghahanap na ng mga lumang iPhone o iPad para gawin ding tiles sa kanilang ‘simpleng’ bahay. Hamon naman ng iba sa gumawa ng Apple tiles, sana raw sa susunod ay buong bahay na nila ang kanyang lagyan ng iPhone at iPad na tiles.

May nagpayo naman na sana ay hindi lamang matapos sa Apple tiles ang dekorasyon ng bahay. Dahil pansin nila sa larawan na walang maayos na pintura ang nasabing establisimyento pero may mamahaling Apple tiles. Sana raw ay gumastos naman ito para sa maayos na pintura at flooring.

Loading…