150 ektaryang kagubatan sa Benguet natupok ng apoy, bahagi ng Mt. Pulag nadamay

  • Umabot sa 150 ektarya ng kagubatan ang natupok ng apoy sa Benguet
  • Inabot ng siyam na araw ang forest fire
  • Nadamay ang ilang bahagi ng popular na Mt. Pulag

Hindi bababa sa 150 ektarya ng kagubatan ang natupok sa mahigit isang linggong paglagablab ng malaking apoy sa Kabayan, Benguet na naapula noong Martes, ika-18 ng Pebrero.

Imahe mula sa Bombo Radyo

Ayon kay Senior Fire Officer 4 (SFO4) Hilario Caniero, ang hepe ng Kabayan Bureau of Fire Protection, kinailangang maglakad ng ilang oras ang mga bumbero upang makalapit sa apoy. Tagumpay naman nilang naapula ang forest fire.

Sa salaysay ni SFO4 Caniero, kinulang sila sa manpower kaya nagpatulong sila sa kapulisan sa pag-apula ng apoy.

Kinumpirma naman ito ni PLt. Dalton Mayos, ang deputy chief of p0lice ng Kabayan Municipal P0lice Station. Aniya, tumulong sila sa Kabayan Fire Station upang matiyak na walang residente ang makalalapit sa lugar na nasusunog.

Ang apoy ay nagsimula sa Barangay Adaoay at kumalat hanggang sa Barangay Anchokey na agad namang naapula, ngunit muli itong sumiklab dahil sa mga baga na nilipad ng hangin. Sa pagkakataong iyon ay umabot ang sunog sa Barangay Babalak, partikular na sa ilang bahagi ng popular na Mt. Pulag.

Samantala, isa na namang forest fire ang sumiklab sa kabundukan ng Cordillera. Nagsimula ito dakong 2:30 ng hapon noong Miyerkules, ika 19 ng Pebrero, at umabot na sa 20 ektarya ng gubat na natatamnan ng mga pine tree sa Sitio Nalseb, Ambassador, Tublay, Benguet.

Imahe mula sa Bombo Radyo

Sinabi ni Fire Officer 1 Richard Watas ng Tublay Bureau of Fire Protection na tumulong na ang mga residente sa tatlo nilang fire truck na naka-deploy sa lugar upang apulahin ang apoy.

Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nag-anunsyo na ng power interruption ang Benguet Electric Cooperative Inc.

 

Loading…