20 percent discount sa pamasahe para sa mga guro, isinusulong

Imahe mula sa DepEd at Wikipedia
  • Nais ng isang mambabatas na mabigyan ng 20 percent discount sa pamasahe ang mga guro sa mga pampublikong transportasyon
  • Ito raw ay bilang tulong sa mga guro na humuhubog sa mga kabataan
  • Samantala, tutol naman dito ang mga transport groups dahil mababawasan pa raw ang kanilang kinikita

Isinusulong ngayon sa Kongreso ang 20 percent na diskwento sa pamasahe ng mga guro sa lahat ng pampublikong transportasyon.

Imahe mula sa DepEd

Ang House Bill No. 4129 o “Teacher Fare Discount Act” ni Manila Teachers Party List Rep. Virgilio Lacson ay naglalayon daw na bigyan ng tulong ang mga guro na humuhubog sa mga mag-aaral.

“In order to assist our teachers in the fulfillment of their noble profession of instilling life skills and values to our schoolchildren and to better recognize and appreciate their contributions to nation-building, it is incumbent upon the State to grant fare discounts to teachers, helping them in making ends meet, enabling our teachers to focus more on the practice of the teaching profession,” ayon kay Lacson.

Upang makakuha ng 20 percent na discount sa lahat ng domestics fares ng mga public transportation, dapat daw ipakita ang kanilang ID o Professional Regulation Commission (PRC) ID.

Ang mga lalabag daw dito ay maaaring mapatawan ng isa hanggang tatlong linggong suspensyon ng driver’s license. Maari rin silang magmulta ng P1,000 hanggang P10,000.

Imahe mula sa Wikipedia

Bagama’t hindi pa aprubado, nagpahayag ng pagtutol ang ilang mga transport groups dito.

Sa ulat ng GMA News, sinabi ni Acto National President Efren De Luna na masyado nang bababa ang kanilang kikitain kung mabibigyan ng discount ang lahat ng mga guro. Nangangamba rin siya na baka raw lahat ng mga manggagawa ay manghingi na rin ng diskwento.

“Kung mabibigyan ng discount ang lahat ng teacher, baka naman pati mga manggagawa e humingi na rin ng discount sa amin. Ano pa ang kikitain ng mga drayber?” aniya.

Nakapanayam din ng GMA News si FEJODAP Chairperson Zeny Maranan na naniniwalang mas kailangan ng mga drayber ng ayuda. “Minimum wage nga sila, pero mas malaki ang kita ng mga teacher kaysa mga driver kasi kami walang fixed na kita,” sabi niya.

Hiling nila, kung maisasabatas ito, sana raw ay taasan ang pasahe upang hindi masyadong maapektuhan ang mga drayber.

Sa ngayon ay nakatatanggap ng 20 percent discount ang mga estudyante, senior citizens, at persons with disability sa transportation fare.

Loading…