ABS-CBN, nagpasalamat sa natatanggap na suporta

Imahe mula sa ABS-CBN
  • Nagpasalamat ang ABS-CBN sa lahat ng mga nagpahayag ng kanilang suporta sa gitna ng kinakaharap na isyu sa prangkisa
  • Nakakukuha raw sila ng lakas ng loob at inspirasyon sa mga natatanggap na mensahe ng pagsuporta
  • Panalangin daw nilang maging maayos ang kinahaharap nilang pr0blema

Nagpahatid ng pasasalamat ang ABS-CBN sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanila sa gitna ng kinakaharap na isyu sa prangkisa.

Imahe mula sa ABS-CBN

Sa pahayag ni Chief Operating Officer of Broadcast Cory V. Vidanes, sinabi niyang nagbibigay ng inspirasyon at nagpapatibay ng loob nila ang mga natatanggap mula sa mga tao sa iba’t ibang sektor at network.

“Sa ngalan ng lahat ng empleyado ng ABS-CBN, kami po ay lubos na nagpapasalamat sa mga nagpaparating ng suporta sa amin,” sabi niya. “Nagbibigay po sa amin ng inspirasyon at tibay ng loob ang mga pahayag ng suporta mula sa mga opisyal ng gobyerno, kapwa taga-media mula sa Pilipinas at ibang bansa, iba’t ibang organisasyon ng industriya, akademya, simbahan, artista, mga Kapamilya, Kapuso, Kapatid, kaibigan, fans, at mga manonood.”

Nagpasalamat din sila sa mga naniniwala na naglilingkod sila nang tapat, may integridad, at hindi lumalabag sa anumang batas.

Imahe mula sa Wikipedia

“Maraming salamat sa inyong pagkilala sa aming serbisyo para sa milyon-milyong Pilipino sa buong mundo. Lalo naming pagsisikapang makapaghatid ng balita, kasiyahan, at serbisyo-publiko sa sambayanan,” sabi pa ni Vidanes.

Panalangin daw nila na sana ay magkaroon ng pagkakaunawan sa usaping ito.

“Isang malaking karangalan po para sa ABS-CBN ang makapagserbisyo at maging bahagi ng buhay ng bawat Pilipino. Muli, maraming maraming salamat po,” pagtatapos nila.

Kamakailan lamang ay nagpasa si Solicitor General Jose Calida ng quo warranto petition sa Korte Suprema dahil umano sa paglabag ng ABS-CBN sa kanilang legislative franchise.

Samantala, nagpahayag na ng pagsuporta ang mga empleyado ng ABS-CBN, maging ng rival network nilang GMA para sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN.

Loading…