Alexander Lee, ang Korean actor na katambal noon ni Heart Evangelista, nagtapos ng kolehiyo

  • Graduate na ng kolehiyo ang dating U-Kiss member at Korean actor na si Alexander Lee
  • Ngunit hindi pa siya nakapagmamartsa dahil kanselado ang rites dahil sa banta ng COVID-19
  • Napamahal sa mga Pinoy si Alexander dahil gumawa siya ng serye sa GMA katambal si Heart Evangelista

Napamahal sa maraming Pilipino ang K-Pop star na si Alexander Lee. Maliban kasi sa magagandang musika ng kanyang dating grupong U-KISS, makailang ulit din silang nagtanghal sa ating bansa. Matapos umalis sa boy group, sinubukan naman niya ang pag-arte.

Nagpunta siya sa bansa upang gumawa ng unang teleserye na  katatampukan ng isang K-Pop idol. Pinagbidahan ni Alexander at Heart Evangelista ang GMA Telebabad series na My Korean Jagiya noong 2017. Nakatambal niya rin si Maine Mendoza para sa ilang episodes ng children’s fantasy series na Daig Kayo ng Lola Ko.

Larawan mula sa Instagram post ni Alexander Lee

At ngayong 2020, may bagong milestone ang Korean heartthrob dahil nakapagtapos na siya ng kolehiyo. Ibinahagi niya sa kanyang Instagram account ang kanyang graduation picture mula raw sa kanilang yearbook sa Korea University.

Gayunman, kahit na siguradong magtatapos si Alexander, ibinahagi naman niyang hindi pa siya nakapagmamartsa dahil kanselado muna ang kanilang graduation rites dahil sa padami nang padaming kaso ng novel coronavirus o COVID-19 sa bansang South Korea.

“Even though my graduation ceremony was cancelled/ postponed, at least I got my graduation yearbook. Stay safe everyone. And hopefully after the stupid COVID-19 is gone, we could have a proper graduation ceremony,” pahayag ni Alexander sa kanyang post.

Ayon sa opisyal na ulat ng Korean health agency, nasa higit 2,000 mamamayan na nila ang apektado ng COVID-19. Dahil dito, maraming aktibidad na ang kanselado bilang hakbang ng pamahalaan upang hindi na lalo pang kumalat ang nasabing karamdaman.

Larawan mula sa GMA Network

Nagpatupad na rin ang pamahalaan ng Pilipinas ng travel ban patungo sa South Korea dahil sa outbreak ng COVID-19 doon.

Nakatanggap naman ng pagbati si Alexander mula sa kanyang mga fans sa bansa. Masaya sila dahil nakapagtapos ang kanilang idolo sa kabila ng kaliwa’t kanang proyekto nito. Ngayon ay isang radio at television host si Alexander sa Korea.

Loading…