Ama at dalawang anak, naglakbay mula Naga hanggang Maynila gamit lamang ang kariton

  • Isang tatay ang naglakbay mula Naga hanggang Maynila gamit lamang ang kariton
  • Kasama niya ang dalawang anak na hinahanap–hanap umano ang kanilang inang nagtatrabaho bilang kasambahay
  • Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens

Gagawin ng isang ulirang ama ang lahat para lamang maibigay ang kasiyahan ng kaniyang mga anak—sukdulang lakbayin ang Naga patungong Maynila sa pamamagitan ng kariton.

Iyan ang tunay na nangyari sa isang haligi ng tahanan na nakilalang si “Manong David”, tubong Bicol.

Ayon sa Facebook post ng isang concerned netizen na naibahagi sa Facebook page na “Unico Laguna”, naispatan niya si Manong David kasama ang dalawang anak na babae sa isang kariton. Salaysay nito, nagmula pa raw sila sa Naga sa Bicol, at lumuwas ng Maynila upang hanapin ang maybahay niyang nagtatrabaho bilang kasambahay.

Imahe mula sa Facebook page ng Unico Laguna

“Dahil sa labis na kalungkutan at pagkakasakit ng kanyang mga anak na naghahanap ng ina, siya ay nakipagsapalaran. Dahil walang tiyak na pupuntahan at matutulugan, tulak tulak niya ang isang kariton na nagsisilbing pahingahan at pananggalang sa init at ulan sa kanilang paglalakbay,” ayon sa post.

Nagtagumpay naman si Manong David na mapuntahan ang bahay na pinagtatrabahuhan ng kaniyang asawa, subalit hindi ito pinayagang umalis ng amo dahil marami pa umano itong utang na kailangang bayaran.

Minabuti na lamang ni Manong David na bumalik sa Naga kaya nagsimula ulit silang maglakbay pabalik gamit ang kariton. Mga bandang 11:30 ng umaga, sila ay umabot sa Barangay Pulo, Cabuyao, Laguna kung saan siya naispatan ng concerned netizen.

Panawagan ng concerned netizen, “Baka sakaling madaan siya sa inyong harapan, kahit isang basong malamig na tubig at tinapay lang ay makakapawi ng kanilang pagod at uhaw. Sabi nga mas mabuting ikaw ang tumulong kaysa ikaw ang tinutulungan. Ang taong tumutulong ay pinagpapala. Ibalik natin ang tiwala ng tao sa kapwa tao.”

Mensahe pa ng concerned netizen kay Manong David,  “Huwag mong kalimutan na minsan ay dinaig na ni David si Goliath. Tuloy lang buhay. Laban lang David! God is with you!”

Samantala, isang “Renato Flores” naman ang nagbalita sa pamamagitan ng isang Facebook post na natulungan na raw ang mag–aama; binigyan sila ng pamasahe, grocery, at kaunting panggastos.

Imahe mula sa Facebook page ng Unico Laguna

Iba–iba naman ang naging komento rito ng mga netizens. May mga naawa at nakisimpatya sa mag–aama subalit may mga nagsabi namang ito ay modus lamang. May ilan ding nagbahagi ng kanilang mga larawan at karanasan kung saan nila naispatan ang mag-aama.

Ayon sa isa, “Tulungan nating hanapin ang kaniyang asawa. Pero hangga’t maaari, huwag na sanang lumuwas ng Maynila kasi baka maaksidente pa sila at saan sila titira sa Maynila?”

Sabi ng isa, “Don’t give this man a fish because you’re just feeding him for a day and he will depend on others to feed him. But rather teach him to fish and you’re feeding him for a lifetime. It’s not bad to help others but if it becomes abusive, that’s already a different story.”

Opinyon naman ng isa, “Wala naman pong masamang tumulong, scam man ito o hindi. Diyos na ang bahala sa kanilang gumabay. Nawa’y makauwi na po sila sa kanila, nakakaawa po kasi talaga sila, lalo na po yung mga bata.”

Totoo man ito o hindi, hangad natin ang mabuting kalagayan ni Manong David at ng kaniyang asawa’t mga anak. Mas mainam kung sila’y masasaklolohan ng LGU ng bayan kung saan sila tunay na naninirahan dahil kailangan na ring mag-aral ng kanyang mga anak.

Loading…