Anne Curtis, buo ang suporta sa kapatid na si Jasmine at sa buong cast ng Descendants of the Sun Philippines

  • Nanood ng Descendants of the Sun: Philippine Adaptation ang Kapamilya star na si Anne Curtis
  • Ito ay para bigyan ng suporta ang kanyang kapatid na si Jasmine Curtis na isa sa mga bida ng serye
  • Ipinaabot ni Anne ang kanyang suporta kay Jasmine at buong DOTS cast sa kanyang Twitter account

Walang network issues para sa mga magkapatid na Anne at Jasmine Curtis. Buo kasing nagbigay ng suporta ang Kapamilyang si Anne para sa kanyang nakababatang kapatid at GMA Network talent na si Jasmine para sa bago nitong proyektong Descendants of the Sun: Philippine Remake (DOTS).

Sa kanyang Twitter account, nagpaabot ng mensahe si Anne kay Jasmine at sa buong cast ng DOTS. Sinabi rin ni Anne na nakatutok siya sa unang gabi ng serye at excited siyang mapanood ang kanyang kapatid na gumaganap bilang si Captain Moira Defensor.

Larawan mula sa Instagram account ni Jasmine Curtis

“Good luck to my Sestra and the whole cast of DOTS Philippine adaptation as they premiere tonight! Can’t wait to see you as Cpt. Moira Defensor,” pahayag ni Anne na naka-official leave ngayon sa showbiz dahil sa nalalapit na pagsilang ng kanilang unang anak ni Erwan Heussaff.

Excited rin si Anne sa magiging chemistry nina Jasmine at Rocco Nacino na magkatambal sa DOTS. Fan din kasi si Anne ng original version ng DOTS kaya naman proud at excited siya na sa adaptation nito sa bansa ay kapatid niya ang isa sa mga bida.

“SLS (second lead syndr0me) was strong when I was watching the original. Was super rooting for both SL’s!!! So happy for you Sestra,” dagdag ni Anne sa kanyang tweet.

Sa industriya ng K-drama, mayroong konsepto ng SLS kung saan maliban sa mga lead role o bida, marami ang natutuwa at mas kinikilig sa second lead na tambalan tulad ng tauhan nina Jasmine at Rocco na sina Moira at Diego Ramos.

Larawan mula sa Instagram account ni Jasmine Curtis

Maliban kay Jasmine, kilala ring mabuting kaibigan ni Anne ang lead actor na si Dingdong Dantes na nakasama na niya sa ilang proyekto tulad ng youth oriented show noon na TGIS at ang blockbuster movie na Sid and Aya.

Hindi rin ito ang unang beses na nagpaabot si Anne ng suporta sa kapatid na mayroong malaking proyekto sa GMA Network. Noong nakaraang taon, pinuri din ni Anne ang magandang performance ng kapatid na si Jasmine sa special role nito sa teleseryeng Sahaya.

Source :

GMA News, Twitter

Loading…