Anong ulam? Netizen, gumawa ng bunutan ng lulutuing putahe dahil pahirapan daw lagi ang mag-isip ng uulamin

  • Trending sa social media ang naisip na paraan ng isang netizen para mapadali ang pag-iisip ng lulutuing ulam
  • Gumawa kasi siya ng bunutan kung saan nakasulat ang mga putahe at kung ano ang mabunot ay siyang iluluto niya
  • Maraming social media users naman ang na-inspire dito at sinabing gagayahin din nila ito

Kapag oras na ng kainan, isa sa mga inaabangan ng marami sa atin ay ang nakahandang ulam. May mga pamilyang mayroong pambili ng masasarap at magagarbong ulam, habang ang iba naman ay nagkakasya na sa simple ngunit masarap din namang pagkain sa hapag.

Pero mayaman man o kapos sa budget, may iisang suliraning madalas na kinahaharap ng mga tagapagluto sa isang bahay partikular na ang mga ina—ang pag-iisip ng lulutuing ulam. Ito ang binigyang solusyon ng isang netizen na trending na ngayon sa social media.

Larawan mula sa Facebook post ni Beng Onacle

In-upload ng netizen na si Beng Onacle ang larawan ng kanyang ginawang palabunutan ng mga putahe. Ang mabubunot niya raw na putahe bawat oras ng pagluluto ay siya niyang ihahanda para sa kanyang pamilya. Naisipan niya raw itong gawin dahil araw-araw ay pr0blema niya ang pag-iisip ng mga iluluto niya.

“Tips para sa mga nahihirapan mag-isip nang lulutuing ulam lalo na sa mga misis diyan,” sabi ni Beng sa kanyang post na sinampolan na niya. Ang unang putaheng nabunot ng kanyang anak mula sa ginawang bunutan ay ang napaka-simpleng pritong itlog.

Kabilang sa mga nasa listahan ni Beng ay ang mga tipikal na ulam ng pamilyang Pinoy tulad ng adobo, tinola, sinigang, monggo, mga prito gaya ng isda at manok. Nasa listahan niya rin ang paborito ng lahat na lumpiang shanghai.

Maraming netizens naman ang natuwa at nakakuha ng inspirasyon sa ginawang istilo ni Beng para hindi na siya mahirapang mag-isip ng ulam na iluluto. Umabot na sa 1,200 reactions na karamihan ay ‘haha’ at 6,800 shares ang kanyang post.

Larawan mula sa Facebook post ni Beng Onacle

Maraming nanay din ang nagkomento sa post at sinabing susubukan din nila ang ganitong technique dahil real talk daw si Beng nang sabihing pahirapan ang pag-iisip ng lulutuing ulam lalo na’t mayroon kang maseselang anak.

Ang gagawin daw nila ay pagsusulatin ng ulam ang bawat miyembro ng pamilya bawat linggo at sila rin ang pabubunutin ng putahe upang walang sisihan. Makadaragdag din daw ito sa excitement ng pamilya dahil lahat daw ay mag-aabang kung ano bang ulam ang nabunot.

Loading…