Another Pinoy Pride: Fil-Am Francisco Martin, pinahanga ang judges ng American Idol Season 18

  • Isang Pinoy singer ang nag-audition sa bagong season ng American Idol
  • Siya ay si Francisco Martin, 18 anyos at isang college student sa California
  • Agad naman niyang napahanga ang mga hurado at sinabi pang maaari siyang maging next superstar

Matapos ang runner-up finish ni Marcelito Pomoy sa America’s Got Talent (AGT): The Champions at ang imbitasyon ni Ellen DeGeneres sa viral videoke singer na si Carl Malone Montecido, isang Pinoy na naman ang posibleng magtatayo ng bandera ng mga Pinoy sa larangan ng pagkanta.

Trending ngayon sa social media ang naging audition ng Filipino-American na si Francisco Martin sa ika-18 season ng American Idol. Inawit ng 18-anyos na Pre-Law student na si Francisco ang acoustic version ng Alaska ni Maggie Rogers.

Larawan mula sa American Idol

Lubos ang kaba ni Francisco nang pumasok sa audition room at harapin ang Idol judges na sina Katy Perry, Lionel Richie, at Luke Bryan. Pinakalma muna siyang saglit ng mga hurado bago tuluyang kumanta na lubos namang ikinamangha ng mga ito.

Sinabi ni Katy na sa naging performance ni Francisco, isa siya sa mga top 10 auditionees ng nasabing singing reality show. Ngunit tumutol naman dito sina Luke at Lionel at sinabing pang-top 5 daw si Francisco.

Pinaawit din nila si Francisco, na naka-base ngayon sa San Francisco, California, ng kanyang original song ngunit hindi na niya ito natapos dahil nag-umpisa na siyang tuksuhin ni Katy tungkol sa babaeng rason kung bakit niya nasulat ang kanyang kanta.

Sinabi pa ni Luke na malaki raw ang pag-asa ni Francsico na maging next superstar dahil sa angking talento nito sa pag-awit at paggamit ng instrumento. Hindi na nga kinailangang bumoto ng tatlong judges at awtomatiko nang binigyan ng golden ticket si Francsico para sa Hollywood round ng American Idol.

Larawan mula sa American Idol

Kompirmadong Pinoy si Francisco dahil kalat na rin ngayon sa social media ang kanyang mga video kung saan ipinamamalas niya ang kanyang husay sa pag-awit. Isa sa mga viral video niya ngayon ay ang kanyang cover ng awiting Buwan ng bandang Juan Karlos.

Hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong Pinoy na sumali sa American Idol. Noong season 3 ng nasabing show, nakapasok sa top 3 si Jasmine Trias. Nasa Top 10 naman ang half-Pinay na si Ramiel Malubay noong season 7, at runner-up finish naman ang ginawa ni Jessica Sanchez noong season 11.

Panoorin ang video ng audition ni Francisco sa American Idol at ang cover niya ng OPM na Buwan:


Loading…