ASF nakapasok na sa Mindanao, isanlibong baboy naapektuhan

  • ASF nakapasok na sa Mindanao
  • Hindi bababa sa isanlibong baboy ang naapektuhan ng ASF sa Don Marcelino, Davao Occidental
  • Nagpatupad na ng temporary lockdown ang alkalde ng Don Marcelino upang makontrol ang pagkalat ng ASF

Patuloy pa rin ang pananalasa ng African Swine Fever (ASF) sa bansa na unang kumalat sa Luzon noong nakaraang taon na nakaapekto sa libo-libong mga baboy. At ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapasok na ang virus sa Mindanao.

Imahe mula sa CNN PH

Ilang babuyan sa Davao Occidental ang apektado nito.

Sinabi ng Office of Civil Defense na ang kontaminasyon sa mga babuyan sa Davao Occidental ang unang kaso ng ASF sa buong Mindanao kung saan nasa isanlibong baboy ang hindi nakaligtas matapos kapitan ng sakit.

In-activate ni Office of Civil Defense Regional Director Liza Mazo ang Regional Animal Disease Task Force matapos makumpirma ang ASF sa probinsiya.

Kinumpirma rin ito ng Department of Agriculture (DA) Region 11 at ni Mindanao Development Authority Secretary na dating naging Agriculture Secretary na si Manny Piñol.

Noong Biyernes, ika-31 ng Enero, agad na ipinag-utos ni Mayor Michael Maruya ng bayan ng Don Marcelino ang temporary lockdown sa lugar upang makontrol ang pagkalat pa ng naturang virus na tumatarget sa mga baboy.

Ipinagbabawal na ang paglabas-masok ng mga buhay na baboy at maging ang bentahan ng mga pork meat sa naturang bayan.

Imahe mula sa Office of Civil Defense Region 11

Walong barangay doon ang apektado ng ASF, kabilang ang  Lindasan, North Lamidan, South Lamidan, Calian, Mabuhay, Lawa, Nueva Villa, at Baluntayan.

Inatasan ng Office of Civil Defense ang pulisya at mga barangay officials na siguruhin ang paglalatag ng mga  “24/7 animal quarantine checkpoints” sa lahat ng entry point ng Don Marcelino .

Ipinaalam na sa mga residente ang ASF outbreak sa kanilang lugar at pinakiusapan na makipagtulungan at sundin ang mga rekomendasyon ng Department of Agriculture Region 11 at Davao Occidental Provincial Veterinary Office.

Imahe mula sa PIA

Loading…