Award–winning South Korean film na “Parasite” inakusahang kinopya ang isang Indian indie film

  • Inaakusahan ng producer ng 1999 Indian indie film na “Minsara Kanna” ng pangongopya ang direktor ng 2019 South Korean film na “Parasite”
  • Taliwas naman dito ang direktor ng Indian film na natutuwa pa sa pagkilala at gantimpalang natamo ng Parasite
  • Pinabulaanan naman ito ng production company ng award–winning Korean film na nagwagi sa Oscars

Kaliwa’t kanan man ang papuri sa award–winning South Korean film na “Parasite”, hindi rin nawawala ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan nito.

Matapos pulaan ni US President Donald Trump ang pagkakapanalo ng naturang pelikula bilang Best Picture sa Oscars o Academy Awards, inaakusahan naman ang manunulat o scriptwriter nito sa pangongopya ng plot ng pelikulang “Minsara Kanna”, isang Indian indie film noong 1999.

Public Domain Image

Ayon sa producer ng naturang romantic comedy Indian film na P.L. Thenappan, hinango ng direktor ng Parasite na si Bong Joon Ho ang plot nito sa kanilang pelikula na naipalabas sa kanilang bansa noong 1999.

“I saw the South Korean film Parasite and I feel that they have stolen the film’s crux from Minsara Kanna. I’m in talks with international lawyers and contemplating on filing a case against the makers of Parasite soon,”  sagot ni Thenappan sa panayam ng “India Today”.

Samantala, taliwas naman dito ang mismong direktor ng Minsara Kanna na si K.S. Ravikumar. Aniya, masaya siya dahil nagustuhan ng pamunuan ng Oscars ang pelikulang Parasite. Subalit nasa desisyon pa rin ng producer kung nais niyang magsampa ng kaso laban sa CJ Entertainment, ang production company na nasa likod ng South Korean film.

“I’m happy that the story has received an Oscar, even if Minsara Kanna served as an inspiration. However, filing a case is up to the producer,” ayon kay Ravikumar.

Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang CJ Entertainment hinggil sa isyu. Anila, “We have no knowledge about plagiarism claims from an Indian film. We have not received any information regarding this issue.”

Ang kuwento ng pelikulang “Minsara Kanna” noong 1999 ay umiikot sa pag–iibigan ng isang mahirap na lalaki at mayamang babae. Upang mapalapit sa pamilya ng kaniyang kasintahan, nag–apply at nagpanggap siya bilang bodyguard ng mga ito, habang ang kaniyang mga kapatid ay namasukan bilang housekeeper at chef.

Public Domain Image

Ang pelikulang Parasite naman noong 2019, ay umiinog sa isang mahirap na pamilyang isa–isang namasukan sa isang mayamang pamilya, hanggang sa makuha nila ang yaman ng mga ito at nagkabaliktad ang kanilang sitwasyon. Umani ito ng global recognition dahil sa pagtatangkang basagin ang social classes sa Seoul, South Korea.

Loading…