Babaeng nangungupahan ng kuwarto, nanalo ng house and lot sa ‘It’s Showtime’

Imahe mula sa video ng ABS-CBN via YouTube
  • Nagkaroon ng sariling bahay ang isang manlalaro sa It’s Showtime na nangungupahan lamang ng kuwarto
  • Kahit kuntento na sa payak na pamumuhay ay kinakailangan nilang maghanap ng lilipatan dahil ibebenta na ang kanilang inuupahan
  • Bago pumunta sa programa ay nanalangin daw silang mag-anak kaya ganoon na lamang ang pasasalamat nila nang maiuwi nga ang jackpot prize

Nag-uwi ng house and lot ang isang mapalad na manlalaro sa PiLing Lucky segment ng noon-time show na “It’s Showtime.”

Imahe mula sa video ng ABS-CBN via YouTube

Kuwento ni Marissa Rocha, nangungupahan lamang daw sila ng isang maliit ng kuwarto sa Sta. Ana, Maynila kasama ang kaniyang asawa at isang taong gulang na anak. Kuntento na sana sila sa simpleng pamumuhay na ito ngunit kinakailangan na raw nilang maghanap ng malilipatan dahil ibebenta na ang kanilang inuupahan.

Ito raw ang dahilan kung bakit hindi siya nagdalawang-isip na sumali sa palaro nang malaman niyang maaari siyang manalo ng house and lot.

“Bago po kami pumunta sa ‘It’s Showtime’ ay nagdasal po muna kaming mag-anak para ma-bless po kami, then yun po nasagot naman po yung dasal namin,” sabi ni Rocha sa panayam ng ABS-CBN.

Imahe mula sa video ng ABS-CBN via YouTube

Malaki ang pasasalamat niya dahil natupad ang kaniyang panalangin nang makasali siya sa PiLing Lucky hanggang sa siya na lamang ang matirang kalahok. Tila umaayon talaga ang tadhana nang mapili niya ang garapon na babago sa kanilang buhay. Naglalaman ito ng jackpot prize na house and lot.

“Sa wakas po makakalipat na kami. Makakawala na po kami sa pangungupahan at medyo may kamahalan din po. Sobra po nagpapasalamat ako sa Panginoon,” saad niya.

Kamakailan lamang ay nanalo ng P1.1 million sa parehong segment ng It’s Showtime ang isang lalaki na naniniwalang pinalad dahil sa buntis na asawa. “Thank you sa Showtime saka sa staff, also sa wife ko kasi siya ang nag-convince sa akin na pumunta rito. Pag-uwi ko, may pera na tayo,” sabi niya.

Loading…