Babala ng water companies ngayong paparating na ang tag-init, water interruptions mas madaragdagan

  • Nagbabala ang mga water companies na maaapektuhan ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa mga dam ang kanilang serbisyo
  • Mas madaragdagan pa raw ang isinasagawa nilang water interruptions lalo na’t malapit na ang summer
  • Plano na rin daw nilang babaan ang pressure ng tubig at maghanap ng ilang alternatibong source ng tubig

Noong nakaraang taon, naging pasanin ng maraming Pilipino ang kawalan ng maayos na suplay ng tubig. Bagama’t mayroon silang serbisyong sana ay nakukuha mula sa mga water companies, dahil sa mababang lebel ng tubig sa mga dam ay wala ring tumutulo sa mga gripo at madalas ang water interruptions.

Ngayong taon daw, posibleng maranasang muli ng mga Pilipino ang suliranin sa suplay ng tubig. Nagbabala na kasi ang water companies na Maynilad at Manila Water na mas madaragdagan pa ang kanilang ipinatutupad na water interruptions dahil sa papalapit na tag-init at sa patuloy na pagbaba ng water level sa mga dam.

Larawan mula sa Pexels

Ayon sa isang ulat ng GMA News program na 24 oras, nasa below normal water level na raw ang tubig sa major dams na pinagkukuhanan ng tubig sa Metro Manila at kalapit lalawigan na Ipo Dam. Nasa 100 meters na lamang daw ito, mas mababa sa 101 meters na normal high water level.

Ganito rin ang sitwasyon sa Angat Dam na nasa 202.08 meters na lamang ang kapasidad ng tubig. Mas mababa ito sa normal high water level na 212 meters kaya naman imbes na maginhawang serbisyo ang nakukuha ng consumers, marami sa mga ito ang nakararanas ng mas matatagal na water interruptions.

Simula kasi noong Oktubre 2019, nagpatupad na ng rotational water interruptions ang Maynilad at Manila Water sa kanilang mga consumer. Tumatagal ng halos apat na oras ang pagkaantala ng suplay sa ibang lugar, habang mahinang pressure naman ng tubig ang nararanasan ng ilan.

Dagdag pa ng mga water companies, dahil sa papalapit na summer kung saan mas mataas ang demand sa tubig, inaasahan na rin nilang patuloy na bababa ang lebel ng tubig sa mga dam. Gayunman, nakahanda na raw sila upang tugunan ang mga suliraning ito.

Larawan mula sa Pexels

Ngayon daw ay pinag-aaralan na nilang ibaba ang pressure ng tubig upang makontrol din ang pagkonsumo rito. Target din nila na wala nang costumers nila na mawawalang ng suplay sa loob ng isang buong araw.

Tinitignan na rin daw nilang alternatibong pagkukuhanan ng tubig ang ilang ilog sa Cavite upang makadagdag sa suplay na kailangan ng bansa sa mga susunod na buwan.

Loading…