Bahagi ng Skyway Stage 3 bumagsak dahil sa malaking apoy

  • Bahagi ng Skyway Stage 3 bumagsak dahil sa init ng malaking apoy
  • Nilamon ng apoy ang bodega ng isang plastic plant sa Pandacan, Maynila
  • Apektado rin ang biyahe ng PNR dahil may istasyon ng tren malapit sa lugar ng insidente

Bumagsak ang bahagi ng under construction na Skyway Stage 3 dahil sa tindi ng init ng apoy na tumupok sa bodega ng isang plastic plant sa Pandacan, Maynila nitong Sabado ng umaga.

Imahe mula sa GMA

Ayon sa mga imbestigador ng Bureau of Fire Protection (BFP), hindi bababa sa labinlimang milyong piso ng mga ari-arian ang napinsala, kabilang na ang bahagi ng Skyway Stage 3, nang lamunin ng malaking apoy ang San Miguel Yamamura Packaging Corp. sa Tomas Claudia Street.

Nagsimula ang apoy dakong 10:38 ng umaga at umabot ito sa Task Force Bravo fire alarm level dakong 11:05 ng umaga.

Ayon pa sa BFP, dakong 1:52 ng hapon ay nakontrol na ang malaking apoy at nagdeklara ng fireout makalipas pa ang isang oras – 2:52 ng hapon.

Nilinaw ni Marlene Ochoa, ang Skyway Corporate Communications head na hindi pa operational ang bahagi ng Skyway Stage 3 na bumagsak dahil under construction pa iyon. Kasalukuyan pa umano silang nagsasagawa ng assessment kung gaano kalaki ang tinamo nitong pinsala.

“It’s a portion of Skyway Stage 3 parapet that was damaged. Stage 3 is still under construction and therefore, not operational. We are still assessing the extent of damage,”ani Ochoa.

Imahe mula sa DPWH

Ang apoy ay nagsimula umano sa mga patung-patong na plastic pallet na nakatambak sa isang open space malapit sa ilalim ng Skyway Stage 3.

Ang biyahe ng Philippine National Railways ay naapektuhan din dahil may PNR station malapit sa lugar ng pinangyarihan.

“’Yung tren mula sa San Andres, Paco at Pandacan hindi na siya makadiretso papuntang Sta. Mesa,” ayon sa PNR spokeperson na si Jo Geronimo.

Imahe mula sa DPWH

Samantala, sinabi ni Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar na ang inaasahang pagbubukas ng Skyway Stage 3 sa pagitan ng April at May 2020 ay posibleng saglit na maantala dahil sa insidente.

“Pero mukhang dahil sa sunog… mukhang baka ma-push back ang mga delivery date ng skyway. Kung magkakaroon ng delay, hindi naman gaanong kahaba siguro ‘yung delay. Manageable naman. It was just, isang section naman ang affected,,” anang kalihim.

Loading…