Bayani Fernando, nais palitan ang handshake bilang pagbati upang makaiwas daw sa mga karamdaman

  • May panukalang batas si Rep. Bayani Fernando upang makaiwas daw ang publiko sa pagkalat ng karamdaman
  • Ito ay ang pagbabawal ng pagkakamay o handshake kapag babati sa kakilala
  • Ang dapat daw ay ilagay ang kamay sa dibdib at yumuko upang magbigay ng paggalang at pagbati

Ngayong kumpirmado na mayroon nang novel coronavirus (2019-nCoV) sa Pilipinas, maraming Pilipino na ang naghahanap ng mabisang paraan upang palakasin ang kanilang mga pangangatawan at hindi kapitan ng naturang sakit. Maging ang simbahan ay pinag-iiwas na sa mga tradisyonal na paraan ng pananampalataya upang hindi na kumalat pa ang nCoV.

Sa kongreso naman, tila advance mag-isip ang Marikina representative na si Bayani Fernando dahil ipinanukala na niyang imbes na magkamay o handshake ang mga Pilipino bilang pagbati sa kapuwa, marapat na lamang daw na ilagay ang kamay sa dibdib at yumuko upang hindi na makahawa ng mga karamdaman.

Larawan mula sa Philippine Congress

Sa inihaing House Bill 921 ni dating MMDA chairman Fernando, hinihikayat ang lahat na gawin ang paglalagay ng kanang kamay sa gitna ng dibdib at yumuko bilang pagbati dahil mas ligtas at mas hygienic daw ito kaysa sa nakagawiang pagkakamay na maaaring makapaglipat ng ilang nakahahawang karamdaman tulad nga ng nCoV.

Mas maganda rin umanong tignan ang paglalagay ng kamay sa dibdib dahil ipinakikita raw nito ang pagmamahal sa kapuwa at lubos na paggalang dahil sa pagyuko. Tradisyon naman na raw ng mga Pilipino ang pagyuko kaya naman hindi na rin ito magiging kakaiba para sa mga Pilipino. Isasabatas na lamang upang maging opisyal at isagawa ng mas maraming mamamayan.

Nanindigan din ang mambabatas na nakasaad sa Saligang Batas na kailangang pangalagaan ang kalusaugan ng mga Pilipino kaya naman nararapat lang na mag-umpisa sa pagbati ang pag-iwas sa mga nakahahawang karamdaman.

Larawan mula Pexels

Sinabi rin ni Fernando na sa oras na maisabatas ang kanyang panukala, kailangang mag-umpisa sa mga kawani ng pamahalaan ang pagsasagawa ng magsisilbing ‘pambasang pagbati’ ng mga Pilipino nang sa gayon ay lumaganap ito sa buong bansa.

Iba-iba naman ang reaksiyon ng mga netizens sa panukalang ito. Mayroong mga pabor para na rin makaiwas sa nCoV na mayroon na sa bansa. May ilan namang nagsabi na kahit naman daw walang batas ay maaaring piliin ng mga Pilipino ang mas ligtas na paraan ng pagbati.

Loading…